Kalbaryo ni Cora

Dear Dr. Love,

Umaasa akong nasa mabuti kang kalagayan sa pagtanggap mo ng sulat na ito. Tulad ng libu-libo mong tagasubaybay, gusto kong humingi ng payo sa aking mabigat na problema.

Tawagin mo na lang akong Cora, 37-anyos. Problema ko po at maituturing na kalbaryo ang aking asawa. Bata siya sa akin ng pitong taon. Noong bagong kasal kami ay maligaya ang aming pagsasama. Nagsimula ang kalbaryo ko nang dalawa na ang aming anak.

Natanggal siya sa trabaho at magmula noon, hindi na siya nagsikap maghanap ng ibang trabaho. Ako’y tindera lang ng gulay sa palengke. Hindi bale sana kung batugan lang siya. Ang problema, nalulong siya sa alak at madalas akong pagbuhatan ng kamay lalo na kung hindi ko siya nabibigyan ng perang pang-inom.

Ano ang dapat kong gawin? Sa kabila ng lahat, mahal ko siya at ayaw kong masira ang aming pamilya.

Cora


Dear Cora,


Ang pagiging lasengggo at pambubugbog ng asawa ay maaaring gawing ground para mapa-annul o pawalang bisa ang kasal. Pero sa kalagayan mo na tindera lang ng gulay, baka hindi mo makayanan ang gastos. Maliban na lamang kung may mga kamag-anak ka o kaibigan na tutulong sa iyo para matustusan ang gastos kaugnay nito. Ngunit kahit may tumulong sa iyo, ikaw pa rin ang magdedesisyon. Kung tumatanggi ang iyong puso na hiwalayan ang iyong asawa dahil mahal mo siya at ayaw mong masira ang inyong pamilya, wala kang magagawa kundi pagtiisan ang kanyang masamang ugali. Ngunit bakit ka magpapakamartir? Buhay mo at ng iyong mga anak ang nakataya kung hindi magbabago ang asal ng iyong asawa.

Makabubuti talaga na kahit hindi ma-annul ang inyong kasal, maghiwalay muna kayo at baka dumating ang puntong mapatay ka niya o ang iyong mga anak dahil sa kanyang tendency na maging marahas. Kahit asawa mo siya, puwede mo siyang ireklamo sa pulisya sa susunod na saktan ka niya. May sakit sa isip ang iyong asawa at sa palagay ko’y kailangan niya ang rehabilitasyon.

Dr. Love

Show comments