Nagpupugay ako sa iyo at sa lahat ng mga tumatangkilik sa iyong kolum. Tawagin mo na lang akong Bert, binata at isang empleyado sa isang kompanya dito sa San Juan.
Mayroon akong kasintahan. Sa gulang kong 25, siya ang una kong naging girlfriend. Nagkasundo kaming magpakasal na bago dumating ang Disyembre.
Pero kinakantiyawan ako ng aking mga kaibigan. Sigurado na raw ba ako sa aking sarili? Bakit daw agad kong pakakasalan ang nobya ko samantalang hindi pa ako nagkaka-girlfriend ng iba.
Tuloy, nag-iisip-isip ako ngayon. Baka dumating ang araw na magsisi ako at matuklasang mali pala ang babaeng napili ko.
Sa totoo lang, marami na akong nagustuhang babae noon. Hindi lang ako marunong manligaw. Nang dumating sa buhay ko ang nobya ko na kasamahan ko sa opisina, wala naman akong naramdamang pag-ibig sa kanya. Pero siya ang nagpakita ng motibo. Naging close kami hanggang ma-develop ako sa kanya.
Tulungan mo ako, Dr. Love. Bert
Dear Bert,
Ang problemay committed ka na sa girlfriend mo dahil naitakda na ang inyong kasal. Ikaw kasiy nagpadalus-dalos. Sanay nag-isip ka munang mabuti.
Siguro, ang magagawa mo ngayon ay kumbinsihin siyang ipagpaliban kahit isang taon ang kasal ninyo.
Pag-aralan mong mabuti ang iyong damdamin sa panahong iyan. Kung hindi ka nakatitiyak sa damdamin mo sa kanya, mas mabuting makipag-break ka na kaysa magkatuluyan kayo dahil pareho lang kayong magsisisi kapag natanto mong hindi mo pala siya mahal.
Mahirap sigurong sabihin pero iyan ang pinakamabuti mong gawin. Masasaktan siya nang minsanan pero mas mabuti na iyan kaysa pareho kayong magsisi habambuhay.
Dr. Love