Napakabigat ng aking ulo at dibdib dahil sa mabigat na suliranin. Sumulat po ako sa inyo para hilingin na isama po ninyo ako sa inyong dalangin upang makayanan ko ang lahat at harinaway malutas ko ang aking mga problema.
Lagi po akong nagsisimba lalo na sa Baclaran. Seaman po ang asawa ko pero wala siyang ranggo dahil hindi po siya nakapag-aral. May experience siya sa barko dahil dati po siya sa Phil. Navy. Maliit po ang kanyang suweldo at marami po kaming utang.
Lahat ng mga contest at sugal ay nasalihan ko nabingo, lotto at iba pa. Kailangan ko po ng pera dahil gusto ko nang mag-aral yung tatlo naming mga anak. At gusto ko rin pong matulungan ang mga kapatid ko. May mga sakit din po kami. May nakuha po kaming bahay pero natigil po ang pagbabayad ko ng equity.
Parang awa na ninyo. Sanay matulungan ninyo ako. Marami pong salamat.
Editha
Dear Editha,
Hayaan mot isasama kita sa aking mga panalangin.
Tungkol naman sa problema mo sa pera, sa palagay ko ay hindi ka lang marunong mag-prioritize ng mga gastusin at bayarin. Imbes na sumali sa mga sugal at iba pang aktibidad na akala mo ay magbibigay sa iyo ng instant money, bakit hindi ka mag-isip na magnegosyo para idagdag sa kakarampot na suweldo kamo ng asawa mong seaman? Halimbawa ay magtinda ka ng mga lutong ulam sa inyong lugar o anupaman na sa palagay mo ay magiging mabili at makapagbibigay sa iyo ng kita.
Magpasalamat ka at may trabaho ang iyong mister at mayroon kayong bahay. Yung iba nga riyan ay wala nang trabaho, wala pang bahay. Matutong magpasalamat sa mga bigay na biyaya sa inyo ng Panginoon at huwag puro hinaing. Dr. Love