^

Dr. Love

Kailangan: Inspirasyon

-
Dear Dr. love,

Una po sa lahat, nais ko munang ipaabot sa inyo ang taos-puso kong pangungumusta sa inyo at sa lahat ng mga bumubuo ng inyong pasulatan.

Isa po ako sa libu-libo ninyong tagasubaybay. Sumulat po ako dahil nais kong ibahagi ang aking munting kasaysayan.

Tawagin mo na lang po akong Jerry Rejano, 34 years-old at tubong Bulacan. Sa ngayon po, ako ay isang inmate sa National Penitentiary. Napunta po ako sa dakong ito ng mundo dahilan sa isang sala na kailanman ay hindi ko ginawa.

Bagaman noong una ay hindi ko matanggap ang pangyayaring ito sa aking buhay, sa dakong huli, natanggap ko na rin ito. Ang sabi ko, marahil ay niloob ito ng Maykapal dahil may plano para sa akin ang nasa itaas.

Patuloy akong lumalaban sa mga pagsubok na dumarating sa aking buhay. Ang pinakahuli nga ay ang impormasyong nagmula sa mahal kong asawa na namamaalam na sa akin. Hindi na raw niya makayanang mag-isa ang kahirapan.

Halos hindi ako makakain nang matanggap ko ang sulat ng aking maybahay. Hindi ko naman magawang kagalitan siya dahil dapat naman talaga na harapin niya at pagtuunang pansin ang aming mga supling sa anumang bagay at pamamaraan.

Napag-isip-isip ko rin na balang araw ay magkikita rin kami ng aking mga anak. Tanging sila na lang ang makakasama ko kahit sandali lang.

Sa ngayon, ang inaantabayanan ko na lang ay ang aking paglaya. Naglalabada ako dito sa bilibid at iyon ay hindi ko ikinahihiya. Basta ang mahalaga ay may pinagkikitaan ako kahit na paano. Sa ngayon, ang iniisip ko na lang ay magkaroon ng mga kaibigan sa panulat para magsilbing inspirasyon sa buhay.

Sana po, mabigyan ninyo ng pagkakataong maging bahagi ako ng inyong malaganap na column para matulungan akong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat.

Hanggang dito na lang po at maraming salamat sa inyong pagbibigay.

Jerry Rejano

Dorm 237, MSC,

Camp Sampaguita,

Muntinlupa City 1776


Dear Jerry,


Maraming salamat sa liham mo. Huwag mong ipagmakahiya ang pagiging isang labandero. Tulad nga ng sinabi mo, basta malinis na pamamaraan ng pagkakakitaan, okay lang.

Ngayon, hindi ko lubos na maliwanagan ang sinabi mong pagpapaalam sa iyo ng asawa mo dahil hindi na niya kayang mag-isang sumalunga sa buhay.

Ang ibig mo bang sabihin, sumama na siya sa iba?

Anyway, tinanggap mo naman ito dahil nga wala ka sa piling niya sa pagtataguyod ng inyong mga anak.

Mabuti naman at namayani sa iyo ang lamig ng ulo.

Sana sa pamamagitan ng paglalathala ng liham mo, magkaroon ka ng mga kaibigan sa panulat.

Good luck at hangad din ng pitak na ito ang maaga mong paglaya.

Dr. Love

AKO

CAMP SAMPAGUITA

DEAR JERRY

DR. LOVE

JERRY REJANO

LANG

MUNTINLUPA CITY

NATIONAL PENITENTIARY

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with