Panakip-butas

Dear Dr. Love,

Kumusta na po kayo? First time ko pong sumulat sa inyo. Ang problema ko po ay ang boyfriend ko. Hindi ko po alam kung ano talaga ang nararamdanam niya para sa akin mula nang malaman ko na hindi raw ako totoong mahal ng boyfriend ko at ginagawa lang akong panakip-butas sa kanyang ex-girlfriend.

Nalaman ko ito sa isa niyang kaibigan. Pero sabi naman ng kaibigan ko, huwag daw akong agad maniwala. Hindi ko iyon kaagad natanggap at iniyakan ko iyon, Dr. Love.

Minsan ay ako ang pumupunta sa kanila para hanapin siya. Ang sabi ng tita ko, hindi ko raw dapat ginagawa iyon dahil siya ang dapat magpunta sa amin para mag-usap kami.

Minsan ay nabanggit ko sa kanya na ipakikilala ko siya sa mga magulang ko para hindi kami nagtatago tuwing mag-uusap kami. Pero hanggang ngayon ay hindi ko pa siya naipakikilala mula nang malaman ko yung sinabi ng kaibigan niya. Minsan ay tinanong niya ako kung bakit hindi ko pa siya ipinakikilala sa mga magulang ko.

Ano po ang dapat kong gawin? Hanggang ngayon ay nalilito ako. Hindi pa kami nag-uusap ukol sa sinabi ng kaibigan niya. Dapat ko pa ba siyang ipakilala sa pamilya ko? At dapat ko ba siyang tanungin sa nalaman ko?

Dr. Love, sana ay mapayuhan ninyo ako kung ano ang dapat kong gawin. Nahihirapan na ako at hindi ko na alam ang gagawin ko. Maghihintay,

Chelle


Dear Chelle,


Sinasabing malakas ang kutob ng mga babae. Kung inaakala mong hindi ka talagang mahal ng boyfriend mo, maaaring totoo. Pero hindi ka dapat maniwala agad sa kutob mo. Kailangan itong kumpirmahin.

Magagawa mo iyan kung mag-uusap kayo nang masinsinan. Buksan ang linya ng komunikasyon para malaman ang tunay niyang damdamin para sa iyo.

Huwag matakot sa iyong malalaman kahit na mapait ito. Mas mabuti iyan kaysa mabuhay sa mundo ng pagkukunwari.

Dr. Love

Show comments