Paano ko ipaliliwanag sa mga anak ko?

Dear Dr. Love,

Isa pong magandang araw sa inyo at sana po’y sapitin kayo ng liham na ito sa mabuting kalusugan.

Kung inyong matatandaan, ako po iyong lumiham sa inyo na may problema sa pagkakaroon ko ng supling sa aking Kuya.

Nakapagsilang na po ako ng kambal na pareho namang malusog bagaman namiligro ang aking buhay at muntik nang mamatay sa pagsisilang.

Ang malaki ko pong problema sa ngayon ay kung paano ko ipaliliwanag sa aking mga anak ang tunay nilang pagkatao, na ang kanilang ama ay kapatid ko.

Sa kasalukuyan, ang Kuya ko po ay nasa Japan at doon siya ipinadala ng kanyang kompanya.

Hanggang ngayon ay galit pa sa amin ang aming mga magulang dahil sa nangyari.

Sana po ay mapagpayuhan ninyo ako kung ano ang dapat kong gawin.

Lubos na gumagalang,

Ms. Aries


Dear Ms. Aries,


Napakaselan ng problema mo. Ang kailangan mo ay suporta ng mga magulang mo para mapagpasiyahan kung ano ang dapat ninyong gawin.

Galit man ang mga magulang mo sa inyo, dapat ay sikapin mong makuha ang kanilang pagpapayo dahil ang nangyari sa iyo ay isang pampamilyang suliranin.

Kailangan mo rin ang counseling ng mga eksperto gayundin ang Kuya mo.

Huwag mo munang problemahin ang pagpapaliwanag sa mga anak mo kung sino ang kanilang ama.

Tunay na abnormal ang pangyayaring kinasangkutan mo at ng Kuya mo at ang kailangan ay masusing pananalangin, usisa ng konsiyensiya at matatag na paninindigan kung paano ninyo malulunasan ang problema.

Kung ako ang tatanungin mo, sana’y mapagpasiyahan mong tapusin na ang ugnayan mo sa Kuya mo.

Kung itutuloy pa ninyo ang relasyon ninyo, mas malaki pa ang epektong magaganap sa inyo at pamilya mo.

Pagtikahan ninyo ang masamang insidenteng naganap at magbagong buhay na kayo.

Ito naman ay para na rin sa kabutihan mo at ng inyong mga anak.

Ang pagkatao ng mga anak mo ay mauunawaan nila sa tamang panahon. Dr. Love

Show comments