Hinaing ni Ms. Faith

Dear Dr. Love,

Magandang araw po sa inyo. Sana ay lagi kayong patnubayan ng Ating Panginoon.

Salat po kami sa financially at salat din po ako sa family attention at sa self-confidence. Bukod pa rito ay nahihirapan ako sa trabaho ko. Nasa field po ako at hindi maganda ang treatment sa akin ng mga kasamahan ko. Nais ko na sanang mag-resign pero mahirap namang maghanap ngayon ng trabaho.

Bunso po ako sa amin at ako lang ang nagtatrabaho. May pangarap po akong maiahon sa hirap ang pamilya ko pero parang mahirap gawin. Naaawa na ako sa aking Inay dahil sa kanilang magkakapatid ay siya ang pinakamahirap at hindi maganda ang pagtingin sa kanya ng kanyang mga kamag-anak.

Sa inyo ko ho naibulalas ang problema ko dahil wala na akong ibang matatakbuhan bukod sa inyo at sa Ating Panginoon. Sana po ay mapagpayuhan ninyo ako.

Ms. Faith


Dear Ms. Faith,


Tatagan mo pa ang iyong loob sa mga pagsubok na dumarating sa buhay mo at sa inyong pamilya. At tama ang iyong ginagawa na walang tigil na panalangin. Walang ibang makakatulong sa iyo kundi ang mga panalangin at alam kong hindi ka bibiguin ng Panginoon.

Sa iyong trabaho, ipagdasal mo rin ang iyong mga kasamahan na magbago ng pagtrato sa iyo. Sa kabila ng mga ginagawa nila sa iyo, pakitaan mo pa rin sila ng maganda at baka makonsensiya sila. Ganoon din ang gawin mo sa mga kamag-anak ninyo na nagmamaliit sa Inay mo. Tandaan mo na ang buhay ay parang gulong–minsan ay nasa ibabaw, minsan ay nasa ilalim.

Good luck sa pakikibaka mo sa buhay.

Dr. Love

Show comments