Sinampolan agad ako ng diyablo kung talagang totoo ang sermon ng aming pastor. May hindi kilalang tao ang tumawag sa aming bahay. Ang tawag ay natanggap ng isa sa aming worship leader at ng anak kong lalaki.
Ayon sa tumawag, naaksidente raw ako, malubha at kailangan ng malaking halaga at alahas para ipambayad sa ospital na pinagdalhan sa akin. Dalhin daw nila ang pera at mga alahas sa isang lugar na malapit sa shoppping mall.
Nang paalis na sila dala ang pera at mga alahas, bigla akong dumating. Nagulat sila dahil ni wala man lang akong galos o sugat. Mabuti na lamang at dumating ako dahil kung hindi ay baka kung ano na ang nangyari sa kanila.
Kagagaling ko lamang noon sa isang meeting at hindi ako mapalagay kaya umuwi agad ako. Iyon pala ang pagkilos ng Espiritu Santo para mailigtas ang aking anak at kasamahan kong manggagawa sa kamay ng mga masasamang tao.
Hindi lamang ito ang unang pagkakataon na kami ay sinubukan ng diyablo. Isa sa aking manggagawa sa Iglesiya na ako ang namumuno ang hindi makatulog. Hatinggabi na noon. Kaya nagdesisyon siyang magpunta sa kapilya para makita ang kalagayan nito.
Pagdating niya sa kapilya, nakabukas ang pintuan nito pati na ang pinto ng opisina. Nalimutan pala itong isara. Mabuti na lamang at nagpunta siya dahil kung hindi ay baka napagnakawan na ito.
Talagang totoo ang sinasabi ng Diyos sa Kanyang Salita na ang Kanyang mga anak ay Kanyang pinoproteksiyunan laban kay Satanas at mga kampon nito. Purihin ang Panginoong Jesu-Cristo!
Tess Chan
Manggahan, Fairview, Q.C.
(Sa mga nais humingi ng payo, panalangin, pagpapala at iba pa, tumawag lamang sa mga telepono ng CLSF: U-belt, 733-1087; Pandacan, 533-5791/563-2809; Tondo, 251-8243/252-6649; Malabon, 2738256/270-3863; Q.C., 724-0676; Paranaque, 821-5335; Cainta, 656-7998 at Mandaluyong, 533-5171.)