Sana po ay sapitin kayo ng sulat kong ito na nasa mabuting kalagayan.
Tawagin na lamang ninyo akong "Sailormoon." Dalawa po ang mahal ko sa buhay si Silvester, ang aking nobyo, at si Taz, kasama ko sa trabaho at pinsan ng nobyo ko.
Nasa abroad po si Silvester. Malabo po ang relasyon namin nang umalis siya pero muli kaming nagkaayos. Hindi naman sinasadyang nagkalapit kami ng loob ni Taz at ngayon ay pilit kong inilalayo ang loob ko sa kanya.
Ginawa ko na ang lahat para kamuhian siya pero kapag nagkabati kami ay sweet na naman kami sa isat isa at nawawala ang anumang galit ko sa kanya.
Sinisikap kong ipako na lang ang isip ko sa aking nobyong nasa abroad pero damdam ko ay may kulang. Alam kong mahal na mahal niya ako at ang pangako niya ay pakakasal na kami sa pagbabalik niya.
Litung-lito ako sa nararamdaman ko sa kanya at sa kanyang pinsan. Ayaw ko namang magkasira silang magpinsan dahil sa akin.
Wala naman po kaming relasyon ni Taz pero alam kong mahal niya ako at gayundin ang nararamdaman ko sa kanya.
Sana po ay mapayuhan ninyo ako.
Sailormoon
Dear Sailormoon
Maaaring nililito ka lang ng damdamin mo dahil nangungulila ka sa nobyo mo at ang napagbalingan mo ng pansin ay ang kanyang pinsan.
Wala ka ring tiwala sa nobyo mo kung sa pagbabalik niya ay ikaw pa rin ang mahal niya bagaman mayroon siyang pangakong pakakasal na kayo.
Maaaring tama ka sa suhestiyon na pareho mong kalasan ang dalawa para makapag-isip ka muna nang matino kung sino talaga ang mahal mo.
Makikita mo rin kung sino talaga ang tunay na nagmamahal sa iyo sa ganitong paraan.
Sana ay matagpuan mo ang hinahanap na kapayapaan ng damdamin.
Dr. Love