Isa pong magandang araw sa inyo at lagi po akong nagbabasa ng inyong kolumn at itoy lagi kong sinusubaybayan.
Kaya ko po naisipang sumulat sa inyo ay upang matugunan ko sa aking sarili kung ano ang aking dapat gawin. Tawagin na lang ninyo akong "Pisces Girl". Ako po ay isang dalagang-ina. Sampung taon ko rin pong kinasama yung ama ng anak ko.
Eleven years po ang agwat ng edad namin at married po siya but seven years separated na sila ng wife niya.
Humantong din po kami sa hiwalayan dahil gusto kong malayo na ang anak ko sa kanya dahil sa sobrang bisyo niya sa sarili. Sa ngayon ay may tatlong taon na kaming hiwalay ng anak ko sa kanya kaya nagbalak ako na magpalagay sa Pilipino Star Ngayon upang makahanap ng partner sa buhay ko.
Ako po ay isang beses lang nagpalagay at libo ang tumawag at nag-text sa akin at sa bilang na yaon, mga apat ang nagpilit na makita ako. Mga Filipino sila pero nasa ibat ibang lugar at may dalawa na medyo interesado sa akin subalit hindi nangyari o natupad ang gusto ko sa isang lalaki.
Gusto ko po ay isang binata. Sa umpisa ay sasabihin nila na binata sila pero may anak daw sila sa pagka-binata. Tanggap ko po sana ito pero noong nagkita na kami nang personal dahil may pagkamakulit ako, napaamin ko na kasal nga sila at nawalan na ako ng gana kasi ayoko na maulit uli ang nangyari sa akin noong una. Gusto ko po walang sabit.
Hindi ko lang po malaman sa sarili ko na parang naging matigas ang damdamin ko. Parang di na ako nai-in-love. Para tuloy ayoko nang magmahal. Pakiramdam ko po walang binata na papatol sa sitwasyon ko. Parang gusto lang nila akong tikman tapos goodbye na.
Ngunit sabi po ng manghuhula sa akin, sabagay hula lang, ay gaganda raw ang buhay ko kung foreigner ang mapapangasawa ko dahil kung sa Filipino raw ay pahihirapan lang ako. Pagpayuhan ninyo po ako kung ano po ba ang maganda kong gawin.
Pisces Girl
Dear Pisces Girl,
Sa sitwasyon mo ngayon, magpa-advertise ka man para magkaroon ng suitors ay mas malamang na ang mga tumugon sa iyoy yung mga lalaking gusto lang "maka-isa" sa iyo. Alam ko ang iyong pangungulila pero huwag mong piliting makahanap agad ng lalaking magmamahal sa iyo sa kabila ng iyong kalagayan.
Tama ka. Hindi na dapat maulit ang iyong kabiguan. Bayaan mong kusang dumating sa buhay mo ang lalaking tunay na iibig sa iyo. Kung hindi mangyayari ito, tanggapin mo nang maluwag sa puso ang plano sa iyo ng Panginoon.
Hindi lamang sa pag-aasawa lumiligaya ang tao kaya hanapin mo rin ang ibang bagay na magbibigay ng fulfillment sa iyong buhay.
Dr. Love