Driver ang crush ko

Dear Dr. Love,

Isa pong magandang araw sa inyo.

Isa po akong mag-aaral sa isang sikat na unibersidad sa Metro Manila at sa kasalukuyan ay nasa ikatlong baitang na ako sa kolehiyong pinapasukan ko.

Masugid po akong mambabasa ng inyong pahayagan lalo na ang malaganap ninyong column.

Sumulat po ako sa inyo dahil sa problema ko sa puso. Ayaw ng mga parents ko at iba pang miyembro ng aming pamilya ang lalaking umakit ng aking pansin. Crush ko lang naman ang binatang ito na isang driver ng Tamaraw FX na malimit kong nasasakyan papasok at pabalik sa aming tirahan.

Nakilala ko si Randy (hindi ito ang tunay niyang pangalan) nang minsang makasakay ako sa kanyang FX at sa unahan ako napasakay. Hindi ko alam, nakursunadahan pala niya ako at hindi niya ako pinatabihan sa front seat para raw malaya akong makapagrepaso ng binabasa kong review materials para sa eksamen ko nang umagang yaon.

Mula noon, inaabangan na niya ang pagpasok ko sa lugar na sinasakyan ko at nagkakilala kami.

Nalaman ko na nasa kolehiyo rin siya noon pero napilitan siyang huminto para magtrabaho sa abroad at makatulong sa kanyang pamilya para makapag-aral ang iba niyang kapatid.

Nang makabalik siya sa bansa pagkaraang makaipon ng puhunan, bumili siya ng sariling sasakyan at ito ang kanyang hanapbuhay.

Mabait si Randy at marami siyang pangarap sa buhay kabilang na ang pagpapatuloy ng kanyang pag-aaral sa sandaling makapagtapos ang pinag-aaral niyang kapatid.

Hindi ko pa naman siya sinasagot pero barado na kaagad siya sa aking pamilya. Ayaw nila kay Randy dahil hindi raw bagay sa akin.

Nasasaktan ako sa pagpintas nila kay Randy pero hindi naman nangangahulugan ito na hindi ko rin binibigyang konsiderasyon ang kanilang mga payo at pagunita sa akin.

Ano po ba ang dapat kong gawin?

Mila


Dear Mila,


Wala sa antas ng pamumuhay ang basehan sa pagpili ng lalaking mamahalin.

Ang importante lang, responsable ang isang lalaki, mahal mo siya dahil kasundo mo at nagkakaintindihan kayo.

Ang tanungin mo ay kung gusto mo siya, magiging mabuti siyang partner sa buhay at kung may kusang palo para umasenso sa buhay.

Kailangan din namang naiintindihan niya ang propesyon mo sakali’t makatapos ka na.

Kailangan ding kilalanin mo muna ang lalaking mamahalin mo para hindi ka mamali sa daang tinatahak mo sa larangang ito ng pag-ibig.

Nasa iyo ang pagpapasiya kung dapat mo ngang mahalin si Randy. Kung crush mo man siya, hindi naman nangangahulugan na siya na nga ang lalaking pakakasalan mo. Nagbabago pa naman ito. Sa sandaling makilala mo ang tunay na siya.

Dr. Love

Show comments