Matamis na halik

Dear Dr. Love,

Isa pong Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon!

Lumiham po ako sa inyo para humingi ng mahalaga ninyong payo hinggil sa lalaking itinuring kong malapit na kaibigan at "kapatid."

Tawagin na lang po ninyo akong Miss Capricorn ng Batangas.

Ang sinasabi kong binata ay hindi ko malaman kung mayroong ibang pagtingin sa akin bukod sa turing na kapatid at kaibigan.

Ang problema pong ito ay lumitaw dahil bagaman hindi nanliligaw sa akin si Boying, kapag mayroong tsansa, ninanakawan niya ako ng halik.

Nang sitahin ko siya sa una niyang paghalik sa akin, hindi raw niya mapigil ang sarili sa katuwaan. Tuwi po kasing ninanakawan niya ako ng halik ay mayroon siyang magandang balitang natanggap at ibinabahagi niya ito sa akin.

Ang problema po nito, naapektuhan ako nang labis sa mga nakaw niyang halik. Hindi ko maiwasan ang managinip na may lihim siyang pagtingin sa akin at hindi niya lang alam kung paano ito sasabihin sa akin.

Ano po ang dapat kong gawin? Sa tingin po ba ninyo, may dapat akong asahang lihim na pagmamahal sa kanya bukod sa turing na "kapatid" at malapit na kaibigan?

Nahihiya po naman ako na itanong ito sa kanya.

Kasi nga, magkababata kaming dalawa, sabay na pumasok sa elementarya hanggang high school at nagkahiwalay lang kami ng paaralan sa kolehiyo nang mag-aral kami dito sa Maynila.

Malimit niya akong dinadalaw sa apartment kong tinitirhan kasama ang iba ko pang mga pinsan. Pasyal lang naman po, pangungumusta at lagi niya akong binibiro.

Naguguluhan po ako sa kanya. Miss Capricorn ng Batangas


Dear Miss Capricorn,


May palagay ang pitak na ito na may inaalagaang ibang pagmamahal sa iyo ang matalik mong kaibigan. Maaaring hindi muna siya makapagtapat sa iyo dahil nga sa pagiging malapit ninyong magkaibigan.

Hayaan mo munang magpatuloy ang pagiging malapit ninyong magkaibigan. Nag-aaral pa kayo at makasisira sa pag-aaral ninyong pareho kung sa pagmamahalang magkasintahan mauuwi kaagad ang inyong pagtitinginan.

Maaari rin namang naghihintay pa siya ng ibang pagkakataon bago magtapat ng kanyang layunin. Kaya panay ang dalaw niya sa iyo, ayaw niyang may makauna pang iba sa iyo.

Maghintay ka lang at hayaan mong alagaan ka niya habang wala pa kayong pormal na relasyon.

Dr. Love

Show comments