Bigo sa pag-ibig

Dear Dr. Love,

Isa po ako sa masusugid ninyong mambabasa. Nabasa ko po ang letter noon ni Mojacko at natutuwa akong he’s happy now and has found the girl of his dreams.

Sumulat po ako dahil nais kong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat through your column.

Ako po si Aisa, 15 years-old at isang high school student dito sa Isabela.

Ilang ulit na rin po akong nabigo sa pag-ibig at hindi naging successful ang mga relasyong ito. Bakit po ganoon? Wala akong nagtatagal na karelasyon. Mabait naman ako, understanding at ang sabi pa nga ng mga kaibigan ko, tanga ang mga naging boyfriend ko sa paglayo sa akin.

Loveless ako ngayon at kahit na mayroon pang ibang nanliligaw sa akin, takot na akong umibig muli sa takot na magkamaling muli.

Ang isa ko po kasing katangian ay pinapatino ko ang aking mga naging boyfriend. Kahit na nga bata pa ako, marunong akong mangalaga sa aking "virginity."

Sana po ay mabigyan ninyo ng kasagutan ang problema ko base sa mga isinulat kong mga data tungkol sa aking sarili.

Gumagalang,

Aisa Gonzaga

Sipat st., District III, Cauayan, Isabela


Dear Aisa,


Salamat sa pagbabasa mo sa aking column. Sana ay hindi ka magsawang sumubaybay sa aming babasahin sa darating pang mga araw.

Alam mo, hindi naman lubhang malaking problema ang nararanasan mo ngayon. Huwag mong gawing isang malaking isyu ang pagtalikod sa iyo ng mga dati mong nobyo dahil lubhang napakabata mo pa para maging seryoso sa ganitong relasyon.

Sa hinaharap na panahon, sa pagbabalik-tanaw mo sa nakaraan, magpapasalamat ka pa nga sa hindi mo pagkakaroon ng seryosong relasyon dahil mas marami pang mga talisuyong mas nakahihigit ang mga katangian ang makikilala mo.

Huwag kang magmadali dahil ang taong nagmamadali ay karaniwang natatalisod at nasusugatan.

Ang nakikita kong isa sa mga dahilan kung bakit ka iniiwanan ng mga nobyo mo ay ang iyong edad. Menor-de-edad ka pa kahit na sinasabi mong responsable ka sa buhay. Maaaring ang natatagpuan mong boyfriend ay iba lang ang hanap at ito ay hindi nila magawa sa iyo dahil bata ka pa at marunong kang mag-ingat sa iyong sarili.

Dapat mo pa ngang ipagpasalamat na nakilala mo ang kababawan ng mga lalaking minahal mo. Hindi mo ito dapat iyakan dahil sa nilayuan ka nila.

Kapuri-puri ang pag-iingat mo sa iyong sarili at iyan ay ipagpatuloy mo. Ang isa pa marahil na dahilan ng pag-iwan sa iyo ng boyfriend mo ay ang pagnanais mo silang baguhin.

Maaaring hindi ka masyadong diplomatiko sa pagbabago mo sa kanila kung kaya’t hinihinala mong masyado mo silang tinatalian sa leeg. Hinay-hinay lang ang pagbabago mo sa karakter ng boyfriend mo.

Dr. Love

Show comments