Seloso si mister

Dear Dr. Love,

Isa pong mapagpalang araw sa inyong lahat na bumubuo ng Pilipino Star Ngayon.

Sa kabila ng pangambang mabasa ito ng aking mister at lalong mag-ulol ang galit sa akin, minabuti ko pong lumiham sa iyo para makahingi ng payo sa problemang matagal nang bumabagabag sa aming pagsasama ng aking napakaselosong mister.

Isa po akong empleyado ng gobyerno at gayundin din naman ang aking mister. Dalawa na po ang aming anak at sa kabila ng pangyayaring mas maedad ako kaysa sa kanya, hindi pa nawawala ang kanyang pagkaseloso.

Maraming ulit na hindi ko gustong patulan ang kanyang pagiging seloso na noong dati ay sinasabi ko lang na isang tanda ng pagmamahal niya sa akin. Sa kabila ng limang taong agwat ng aming gulang, proud ko pa ngang sabihing pinagseselosan pa niya ako gayong ako ang dapat na magselos sa kanya.

Ilang araw lang ang nakalipas, muling umiral ang pagseselos ng mister ko nang mapansin niya pag-uwi sa aming bahay na iba ang palda ko gayong noong magkasabay kaming umalis sa bahay ay puti ang suot ko at nang umuwi ako ay itim na ang palda ko.

Ipinaliwanag ko sa kanya na mayroon akong naka-stock na damit sa aking cabinet dahil kung nagbabaha at may ulan, mabuti nang mayroon akong tuyong damit na pamalit kung mabasa ang suot ko. Malayo rin naman ang aming lugar sa opisinang pinapasukan ko.

Hindi niya pinaniwalaan ito at kahit na ang hinubad kong panty ay inaamoy-amoy pa niya at ipasusuri daw sa NBI.

Napakalaking kahihiyan ang mga bintang niyang ito at hindi niya ikinahihiyang mapakinggan ng aming dalawang anak na pawang babae pa naman.

Sa tindi ng selos niya, kahit gabing-gabi ay naghahasa siya ng kutsilyo na para bang isang babalang may gagawin siyang masama sa akin.

Ang ganitong ginagawa ng aking asawa ay siyang nakawala ng aking respeto sa kanya. Isa ring kawalan ng respeto at tiwala sa akin ang pagbintangan akong nangangaliwa gayong bahay at opisina na lang ang nararating kong lugar.

Mabuti sana kung bata pa ako at sexy. Sana puwedeng may dahilan siyang maghinala sa akin. Hindi naman ako malapit sa mga lalaki. Masakit sa akin ang pagbintangan nang hindi ko man lang iniisip na gawin.

Ilang ulit ko na ring inisip na hiwalayan siya para naman magtanda siya. Pero ang nakapipigil lang sa akin ay ang dalawa kong anak. Minsan, gusto kong patingnan sa doktor ang aking asawa at baka may sira na ang kanyang tuktok.

Ano po ba ang dapat kong gawin? Mayroon pa kayang solusyon sa ganitong pagiging seloso?

Gumagalang,
Lynda


Dear Lynda,


Maraming dahilan kung bakit nagiging seloso ang isang lalaki. Isa rito ang kawalang seguridad. Maaari namang dahil sa mga sinasabi mo sa kanya o mga naikukuwento mo sa kanya kaya nagkakaroon ng masamang isip ang iyong asawa.

Ang mabuti itimo mo sa kanyang isipan na ang pangunahin mong binibigyang pansin ay ang kapakanan ng inyong pamilya at walang ibang importanteng lalaki para sa iyo kundi siya.

Palagi ka ring magpasundo sa kanya sa opisinang pinaglilingkuran mo para naman ang mga kaibigan mo na rin mismo ang makapagsabi sa kanya na isa kang mabuting asawa kahit sinisikap mong maging mabuting kawani.

Pagtuwangan ninyong dalawa ang pagpaplano ng anumang aktibidad ng pamilya lalo na sa pagtataguyod ng pag-aaral ng inyong anak.

Kung walang topak ang ulo ng inyong mister, liwanagin mo sa kanya ang uri ng trabaho mo na nangangailangan ng mahusay na pagbibihis dahil requirement ito sa tanggapan.

Paminsan-minsan siya na mismo ang papunahin mo kung ano bang damit ang dapat mong isuot o hindi.

Sana magkasundo kayo para maiwasan ang paghihiwalay na hindi makabubuti para sa inyong mga anak.

Dr. Love

Show comments