I'm one of your million readers at bilib ako sa napakahusay ninyong pagpapayo. First time ko pong sumulat sa inyo.
I want to consult about my heart problem. Tungkol po ito sa boyfriend ko two years ago.
Tawagin na lamang po ninyo kong Ms. Lovely Girl of Dasmariñas, Cavite. I'm 20 years-old now. Eighteen years old lang ko nang makilala ko si Mr. Gemini. He is 30 years-old. Mabait siya at nirerespeto niya ako na naging dahilan para madali akong ma-attract sa kanya.
Makalipas ang dalawang buwan na panliligaw niya sa akin, sinagot ko siya. Dahil buo ang loob ko na seryoso siya sa akin, kahit na tutol ang parents at mga kapatid ko, sinagot ko siya. I love him so much at hindi ko kayang mawala pa siya sa akin.
Nguniít isang araw, bigla na lang sumabog ang balitang mayroon na pala siyang girlfriend. Matagal na raw sila. Halos hindi ko ito matanggap. Iniyakan ko iyon nang husto at noon din ay tinapos ko ang aming komunikasyon at relasyon. Hindi ko na hinayaan pang makapagpaliwanag siya sa akin.
Sa ngayon ay gulung-gulo pa rin ako. Hindi pa rin ako maka-recover sa nangyaring ito sa akin. Naging aloof tuloy ako sa mga lalaki. Sana ay mapayuhan ninyo ako.Lubos na gumagalang at nagpapasalamat,
Ms. Lovely Girl
Dear Ms. Lovely Girl,
Mayroon tayong kasabihan na first love never dies. Pero hindi sapat na dahilan ang pagkabigo mo sa unang pag-ibig para kamuhian ang mga lalaki. Iba si Juan kay Pedro.
Isa pa, hinatulan mo kaagad ang boyfriend mo nang pakikipagkalas sa relasyon nang hindi mo muna inalam ang tunay na dahilan. Malay mo namang ikaw talaga ang gusto niya at hindi ang nauna niyang nobya sa iyo. Kung minsan, nababago ang pananaw ng isang lalaki kapag may nakilala siyang iba na tumutugon sa mga katangiang hanap niya sa isang ihaharap sa altar.
Nandiyan na iyan, huwag ka nang magsisi. Kung talagang ikaw ang tunay niyang mahal, gumawa sana siya ng daan para makipag-ayos sa iyo.
Dagdagan mo na lamang ang sipag mo sa pag-aaral. Malay mo, humahanap lang siya ng tiyempo para makabalik sa iyo kung wala na sa buhay niya ang una niyang nobya. At malay mo rin namang mabuti na ring nagkahiwalay kayong dalawa nang maaga dahil baka makilala mo na ang lalaking tunay na magmamahal at mamahalin mo.
Stay happy at huwag mong sayangin ang luha mo at isip sa isang bagay na ikaw na mismo ang siyang kusang nagpakawala.
Dr. Love