Naguguluhan sa pag-ibig

Dear Dr. Love,

Una sa lahat, sana ay nasa mabuti kayong kalagayan. Isa po ako sa masusugid na tagasubaybay ng inyong column. Tawagin na lamang po ninyo akong Ms. Capricorn, 19 taong-gulang.

Ang problema ko po ay tungkol sa boyfriend ko. Mahal na mahal ko po siya pero hindi ko maramdaman kung mahal niya ako.

Sa ngayon po ay may pen-pal ako na tawagin na lamang nating Mr. Gemini. Nakakulong po siya at nanliligaw ito sa akin.

Sa mga sulat niya sa akin, lagi niyang sinasabi na mahal na mahal niya ako kahit na hindi pa niya ako nakikita nang personal. Sa totoo lang po, parang nararamdaman ko na rin na mahal ko rin siya dahil sa nilalaman ng kanyang mga sulat sa akin.

Dr. Love, ano po ba ang dapat kong gawin? Dapat ko pa bang ipagpatuloy ang nararamdaman ko kahit na hindi ko pa siya nakikita nang personal? Naguguluhan po kasi ako.

Sana’y matulungan ninyo ako sa aking problema.

Hihintayin ko po ang inyong kasagutan sa aking problema. Maraming salamat and God bless.

Ms. Capricorn of Makati City


Dear Ms. Capricorn of Makati City,


Hindi isang malaking problema ang nararamdaman mo ngayon kaya huwag mo itong gawing isang malaking isyu.

Maaaring ang nararamdaman mo para kay Mr. Gemini ay pagkaawa lang na naipagkakamali mo sa pag-ibig.

Unang-una, maaaring nabihag ka lang ng magaganda niyang pananalita sa sulat. Pero iba kung personal mo siyang nakikita.

Ang pag-ibig ay masasabing totoo kung kilala mo ang isang tao. Ang ibig kong sabihin, mahal mo ang isang tao hindi lang dahil sa magaganda niyang katangian kundi tanggap mo rin ang hindi niya kanais-nais na ugali.

Ang sinasabi mong boyfriend na ayon sa iyo ay mahal mo rin pero hindi mo nararamdaman ang kanyang pagmamahal ay maaaring may iba ring katangian.

Naihahambing mo siya kay Mr. Gemini dahil maaaring matipid siya sa pananalita o hindi demonstrative.

Natitiyak mo rin bang mahal kang talaga ng nakapiit mong penpal? Bata ka pa at maaaring naipagkakamali mo ang paghanga at crush sa tunay na pag-ibig.

Huwag mong apurahin ang sarili. Mahihinog din ang damdamin at pag-iisip mo pagsapit mo ng wastong gulang. Enjoy and mix with people para makakilala ka ng ibang mapagpipilian mo para maging katuwang sa buhay.

Dr. Love

Show comments