Nilayasan ko ang aking asawa

Dear Dr. Love,

Una po ay isang masaganang pangungumusta at hangad ko na sana ay patuloy pang lumaganap at makatulong sa tulad kong mambabasa ang pitak ninyong ito.

Ako po ay taga-Northern Samar at ang problema ko ay kung dapat bang balikan ko ang aking asawa na hindi ko na kaya ang pagmamaltrato sa akin at sa aming mga anak.

Mabait sana si Rod, ang aking asawa, pero kapag nalalango na siya sa alak, nagiging maiinitin ang ulo at ako at ang aming mga anak ang napagbabalingan.

Lumuwas ako ng Maynila para makaiwas sa ginagawa niyang pambubugbog at tuloy kumita ng pera na siyang unang dahilan ng pag-iinit ng kanyang ulo. Isa siyang mangingisda at binibigyan naman niya ako ng pera na pamalengke (P200 isang araw.)

Pero madalas kaysa hindi ang isinusulit niyang pera ay binabawi rin niya para ipang-inom nila ng kanyang barkada.

Inihabilin ko sa aking ina ang dalawa naming anak at nagtatrabaho ako ngayon dito sa Maynila. Dalawang ulit na akong tinawagan ng aking asawa sa bahay ng aking amo. Nakuha niya ang telepono ko sa taong nagdala rito sa akin.

Kaya naman kahit hindi ko gustong lumipat ng tirahan, napilitan akong maghanap ng ibang amo para mawala na ang koneksiyon sa aking asawa.

Sa ngayon ay hindi na nga niya ako natutunton. Pero patuloy namang bumabagabag sa aking isip ang kalagayan ng dalawa kong anak na naiwan sa pag-aalaga ng matanda ko nang ina. Wala naman daw sustentong ibinibigay ang kanilang ama.

Sana po, mapayuhan ninyo ako sa problema kong ito.

Gumagalang,
Elsa


Dear Elsa,


Isa kang battered wife at mayroon ka namang pwedeng pagsumbungang ahensiya ng gobyerno para hindi na maulit ang panggugulpi ng iyong asawa.

Pwede kang humingi ng tulong sa inyong barangay para mai-report ito sa Department of Social Welfare and Development para maayos ang iyong kaso.

Hindi solusyon ang pagtakas sa asawa dahil ang problema mo nga ay ang kalagayan ng iyong mga anak.

Hindi ko ipinapayong bumalik ka na sa inyong lalawigan. Pero kapag mayroon ka nang sapat na pera, pwede mo nang gawin ito para mabigyang katarungan ang pang-aapi sa iyo ng iyong asawa.

Makipag-usap ka nang masinsinan sa iyong asawa hinggil sa problema at pwede namang maayos ang suliranin kung magiging totoo kayo sa isa’t isa. Bakit ba naglalasing ang asawa mo? Hindi naman kaya mayroon din siyang problema sa iyo?

Kung talagang wala nang pag-asang magkabalikan kayo, makabubuting maayos ang paghihiwalay ninyo para may seguridad ang inyong mga anak.

Dr. Love

Show comments