Magmula nang mabasa ko ang column ninyo, hindi ko na ito tinantanan sa pagsubaybay. Kinagigiliwan ko pong basahin ang mahahalaga ninyong aral at alam kong nakakatulong ito nang malaki sa mga tulad kong may problema sa pag-ibig.
Ito po ang una kong liham sa inyo at hingi ko ang mahalaga ninyong payo.
Ako nga po pala si Mitch, 15 years-old. Mula nang magkaroon ako ng crush kay Vin, namroblema na ako.
Akala ko kasi noon ay wala siyang pagtingin sa akin dahil nabalitaan ko na may nililigawan siyang iba. Hanggang sa malaman ko sa aking
best friend na may crush din pala sa akin si Vin. Humingi siya ng pahintulot sa pamamagitan ng aking best friend kung puwede niya akong masundo at maihatid sa bahay mula sa eskuwela.
Pero ang ipinagtataka ko, kung kailan ako napansin ni Vin ay saka ko naman nararamdaman na hindi ko na siya kursunada. May iba na kasi akong crush -- si Edwin.
Ano po ba ang dapat kong gawin? Dapat ko pa bang pilitin ang sarili ko na gustuhin uli si Vin gayong may iba ng laman ang aking isip?
Salamat po sa payo and more power.
Mitch
Dear Mitch,
Likas sa isang tulad mong teenager na magkaroon ng pabago-bagong crush. Ang tawag dito ay puppy love. Ang ganitong uri ng damdamin ay paghanga lang at hindi talagang tunay na pag-ibig.
Huwag mong masyadong seryosohin ang ganitong feelings. Ang pagtuunan mo ng pansin ay ang iyong pag-aaral dahil sigurado akong sa tinagal-tagal ng panahon ay manghihinawa ka rin kay Edwin at may magugustuhan ka na namang iba.
Maraming mga batang tulad mo ang nadadarang sa init at natatangay ng damdamin dahil napagkakamalan nilang pag-ibig ang kanilang paghanga at pag-iidolo sa isang lalaki.
Manalangin ka lagi at huwag mong kalilimutang pangalagaan ang busilak mong pagkababae.
Dr. Love