Umaasa sa pagbabalik

Dear Dr. Love,
Una sa lahat, kumusta po kayo at lahat ng PSN staff.

Tawagin na lamang ninyo akong Vivian, isinilang noong Dis. 8, 1978. Isa ako sa masugid na tagasubaybay ng inyong column at talaga namang napakahusay ninyong magbigay ng payo sa mga lumiliham sa inyo tungkol sa kanilang problema.

Ang suliranin ko po ay tungkol sa ama ng aking anak sa pagkadalaga. Nais ko po sanang malaman kung may pag-asa pa kaming magkabalikan. Siya ay nasa probinsiya at ako ay nasa Maynila.

Sa kabila ng aming paghihiwalay, hindi siya nawawala sa aking isip. Pero ang balita ko ay may iba na siyang girlfriend ngayon.

May nanliligaw sa akin pero hindi ko alam kung seryoso siya. Kaso ay sa telepono lang kami may komunikasyon.

Marami pong salamat sa pagbibigay-daan ninyo sa aking liham.

Umaasa,

Vivian


Dear Vivian,

Hindi ko alam at hindi mo rin sinabi kung ano ang dahilan ng paghihiwalay ninyo ng ama ng iyong anak.

Hindi mo rin nasabi kung may ginawa ba siyang aksiyon para magkabalikan kayo ulit.

Pero ngayong may girlfriend na siya, tila malabong magkabalikan pa kayo. Anyway, bakit hindi mo subukang alamin kung mayroon pa siyang pagtingin sa iyo at sa kanyang anak?

Kung wala na siyang interes, huwag kang magmakaawa sa kanya at magpumilit na magkabalikan kayo.

Life has to go on. Buhayin mo nang maayos ang anak mo dahil hindi siya dapat na madamay sa gulong ito.

Kilatisin mong mabuti ang intensiyon ng iyong manliligaw bago mo tanggapin ang kanyang pag-ibig. At hindi mo siya makikilatis sa telepono lang.

Dr. Love

Show comments