Magandang araw po sa inyo. Tawagin na lamang po ninyo akong Lovely, 19 years-old.
Na-in-love po ako sa isang may asawa. Mahal din niya ako. Naninilbihan ako sa kanila bilang helper. Lagi niya akong sinusulatan kapag may problema siya at ganoon din ako sa kanya.
Hindi alam ng asawa niya na may relasyon kami. Hindi ko maintindihan ang sarili ko. Basta ang alam ko ay mahal ko siya at mahal din niya ako. Caring siya at malambing kahit sa sulat lang niya ipinapakita.
Minsan, sinabi ko sa kanya na putulin na namin ang ugnayan namin dahil hindi na kayang dalhin ng konsensiya ko ang lahat. Pero sa pagsasabi kong ito, mas lalo pa niya akong minahal.
Sana raw ay noon pa ako dumating sa buhay niya para ako na lang ang napangasawa niya.
Ano po ang gagawin ko? Gusto ko nang umalis sa bahay na yun pero hindi ko magawa dahil sa kanya. Sa isip ko, gusto kong umalis pero hindi ko magawa.
Noong umuwi ako sa probinsiya namin, sinabi kong hindi na ako babalik. Pero nakiusap siya at bumalik ako dahil hindi raw niya alam ang gagawin niya kapag nawala ako sa buhay niya.
Dr. Love, naguguluhan po ako. Ano po ba ang gagawin ko para malutas ang problema ko? Sana po ay tulungan ninyo ako.
Lubos na umaasa,
Lovely
Dear Lovely,
Sorry at hindi ko napagbigyan ang hiling mo na ilabas ito ng Peb. 17. Napakarami kasi ng mga sulat na dumarating sa pitak na ito.
Kung susundin natin ang tibok ng ating puso ay talagang magiging maligaya tayo. Pero sa pagkakataong ito, lubhang mahirap ang pinasok mong problema.
May pananagutan na siya sa buhay. Maaatim mo ba sa iyong sarili na may isang pamilyang nagdurusa dahil sa nakaw na pag-ibig na ikaw ang dahilan?
Sana kung aalis ka ay huwag ka nang babalik pa dahil ito ang nararapat gawin. Marami ka pang lalaking mahahanap na walang pananagutan sa buhay na makapagpapaligaya sa iyo. Sa ganitong sistema, mabubuhay ka nang tahimik at walang gugulo sa buhay mo. Huwag mo nang balikan ang iyong problema.
Dr. Love