Mahal ko si Mr. Security

Dear Dr. Love,

Magandang araw po sa inyo. Sumulat po ako dahil sa aking problema. Tawagin na lang nating si Mr. Security ang aking kasintahan. Mahal ko po siya at ayaw kong mawala siya sa akin.

Pero ang masakit, nalaman ko po na nakabuntis siya ng iba at ikakasal na sila.

Ang problema ko po, dahil sa laki ng aking pagmamahal sa kanya ay naisanla ko na rin dito ang aking pagkababae. Mabuti na lang at hindi nagbunga ang aming kapusukan.

Bago nagkaroon ng problema sa ibang babae si Mr. Security, niyaya niya akong magsama na kami. Pumayag naman ako pero sinabi kong kailangan ko munang umuwi ng probinsiya at pumayag naman siya.

Nang bumalik na uli ako sa trabaho, palagi pa rin kaming nagkikita. Pero nang ungkatin ko sa kanya ang tungkol sa pagyayaya niyang mag-live in na kami, sinabi niyang hindi na muna dahil may problema daw siya sa lisensiya.

Ang akala ko ay lisensiya lamang sa pagmamaneho o lisensiya niya sa pagiging guwardiya ang kanyang inaayos. Umuwi siya ng probinsiya kasama ang babae. Dito sila kapwa natukso sa isa't isa. Nagdalang-tao ang babae.

Ano po ang gagawin ko, Dr. Love? Mahal na mahal ko po siya. Please help me.

Thank you and God bless.
Gemini ng Silang, Cavite


Dear Gemini ng Silang, Cavite,


Talagang mahal na mahal mo nga si Mr. Security kung kaya't kahit na nagkasala na siya sa iyo ay hindi mo makuhang kamuhian siya.

Pero kung ako ikaw, huwag mo siyang iyakan dahil masyado siyang palikero. Mabuti na lang at habang maaga ay nakilala mo ang tunay niyang ugali.

Niyaya ka kamo niyang magsama na kayo pero may iba pala siyang babae. Gusto pa niyang magtuhog ng mga chicks na nagpapakaloko sa kanya.

Kalimutan mo na siya. Kung ikaw man ay nakapagsanla na sa kanya ng iyong pagkababae, huwag mo na ring iyakan ito dahil bunga iyan ng iyong kamalian sa pagkakatiwala ng sarili sa isang salawahan.

Sana ay maging magandang aral na ito sa iyo at idalangin mo na makatagpo ka sana ng isang binatang iibigan ka kasama na ang iyong nakalipas.

Dr. Love

Show comments