Kagagaling ko lamang sa Malaysia at Singapore. Nakipagkita kasi ako sa aking foreigner na boyfriend. Ito ang tagpuan naming mga lugar kapag nananabik kami sa isat isa at para makaraos sa aming bawal na pag-ibig. Bawal na pag-ibig dahil may asawa siya at mga anak at ako naman ay isang dalaga. Ang kasalanan ko ay pumatol ako sa kanya sa kabila ng kanyang pananagutan sa buhay.
Nag-umpisa ang problema ko sa Malaysia. Bumili kasi ako ng isang pakete ng Marlboro. Wala kasi yung kulay pulang Marlboro kaya napilitan akong bumili ng puti o Marlboro Lights. Mula nang bilhin ko iyon ay may mga taong sumusunod sa akin. Naisip ko tuloy na baka may halong shabu ang naturang sigarilyo. Pero hindi ko iyon itinapon sa Malaysia.
Umalis kami ng Malaysia at nagtungo sa Singapore. May mga tao pa ring umaali-aligid sa akin. Ang ginawa ko, ipinlush ko ang isang paketeng sigarilyo sa inodoro. Pagkatapos nito, umuwi na kami ng aking kalaguyo sa aming mga bansa.
Nang nandito na ako sa Pilipinas, sinusundan pa rin ako ng mga taong hindi ko kakilala. Kahit sa sarili kong bahay sa Cainta, sinusundan pa rin ako. At dito nag-umpisa ang takot ko. Hindi ako makatulog. Hindi na ako lumalabas ng bahay.
Isang araw, litung-lito ako at gusto kong humingi ng payo kung ano ang dapat kong gawin. Isang Linggo ng hapon, nakita ko ang aking kapitbahay na isa palang counselor ng Christ, the Living Stone Fellowship. Kinawayan ko siya at pinuntahan ko agad. Nagtanong ako kung maaari ba siyang kausapin. Pinapasok niya ako sa kanyang tahanan at doon ay isinalaysay ko ang lahat ng nangyari.
Ipinanalangin niya ako at pinalayas ang takot sa aking puso. Pinatanggap din niya sa akin si Hesu Kristo bilang sarili kong Tagapagligtas at Panginoon. Kinagabihan, mahimbing na ang tulog ko. Kinaumagahan, pinuntahan ko ang counselor at nagpasalamat sa kanya.
Pagkaraan ng ilang araw, binalikan ko siya para akoy muling magpapayo hinggil sa relasyon ko sa aking boyfriend na foreigner. Pinayuhan niya ako na itigil na ang pakikipagkita sa boyfriend ko dahil itoy kasalanan sa Diyos at gayon din sa mga mata ng tao. Nagtiwala ako sa Panginoong Hesus at pinagsisihan ang aking mga kasalanan. Napaiyak ako dahil sa kabila ng mga kasalanan ko ay tinanggap pa rin ako ng Panginoong Hesus. Napakabuti niya sa akin at mahal na mahal niya ako.
Sa kasalukuyan, may kapayapaan na sa aking puso at dama ko na ang pagkalinga ng Panginoong Hesus sa aking buhay at sa mga mahal ko sa buhay. Totoo pala na kapag ipinagkaloob mo ang iyong buhay sa Kanya, babaguhin ka at pagpapalain Niya. Ito ang nangyari sa buhay ko.
Aida ng Cainta
(Kung nais ninyong makatanggap ng pagpapala, kagalingan, kasagutan o anupaman, tumawag lamang sa 533-5171 at hanapin ang CLSF counselor.)