Good day po sa inyo. Lagi akong nagbabasa ng inyong column at nais kong humingi ng payo sa aking problema.
Tawagin na lamang ninyo akong Cristy ng Iloilo City. Ang problema ko ay nagkagusto ako sa isang lalaki na dalawang araw ko lang nakilala. Pagkaraan nito ay wala na kaming komunikasyon bagaman manaka-nakang nagkakaroon kami ng pagkakataong magkita kahit malayo siya dito sa aming lugar.
Tawagin na lang natin siyang Kim ng Roxas City. Nang una kaming magkita ay pareho kaming maligaya. Parang matagal na kaming magkakilala. Nasabi agad niya sa akin na gusto niya ako.
Pagkaraan ng dalawang araw, umuwi na siya sa kanilang bayan at nawalan na kami ng komunikasyon.
Hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ko para sa kanya. Lagi ko siyang naiisip. Bago siya umalis, sinabi niya na muli kaming magkikita. Totoo naman ito dahil noong Mayo ay nagkita nga kami pero nakasakay siya sa isang sasakyan at ako naman ay nasa ibang sasakyan. Nagtinginan lang kami pero maligaya na rin ako.
Hanggang ngayon ay hinahanap-hanap ko pa rin siya. Tama bang magkagusto ako sa lalaking ito? Minsan, niyaya niya akong magtungo sa isang lodge at sinabi niyang pananagutan daw niya anuman ang mangyari sa amin. Hindi ko siya kinibo at humingi siya ng sorry at sinabing biro lang daw iyon at sinusubukan lang daw niya ako.
Sana ay mabigyan ninyo ako ng payo. Thank you very much and more power.
Cristy
Dear Cristy,
Ano nga bang klaseng tao si Kim? Dapat ay ikaw ang unang nakakaalam kung anong klaseng tao siya. Ang isang tao, bago mahalin, ay dapat kilala mo na para wala kang pagsisihan sa dakong huli.
Maaaring ang nararamdaman mo lang sa kanya ay attraction o puppy love.
Ang ganitong uri ng damdamin ay madali namang nakakalimutan. Kung hindi mo ganap na alam ang kanyang background, huwag mong masyadong ibuhos ang damdamin mo sa kanya. Malay mo, baka may girlfriend na siya at gusto lang niyang makasilo ng ibang babae nang yayain ka niya sa lodge. Sabi nga, nagpapalusot kung makakalusot.
Kung talagang mahal ka niya, gagawa siya ng paraan para lagi kayong magkita at ganap na magkakilala.
Hayaan mo na lang ang panahon ang magsabi kung lalawig pa ang inyong relasyon. Marami ka pang makikitang iba na lubos mong mamahalin dahil lubos mong kakilala. Enjoy life while you are young. Meet other people at huwag ipako ang isip at panahon sa iisang taong hindi mo lubos na kilala.
Dr. Love