Hanggang friends na lang daw kami

Dear Dr. Love,

Good day to you. This is my first time to write to your column.

Hindi po ito pampataba lang ng inyong puso, pero lagi kong binabasa ang pitak ninyo dahil ito ay kinapupulutan ko ng magagandang aral at payo sa mga may problemang dumudulog sa inyo.

Tawagin na lang po ninyo akong Marissa, 16 years-old.

Ang nais ko pong ihingi ng payo ay tungkol sa lalaking aking crush.

Hindi ko alam kung bakit hindi niya ako gusto. Ang palagay ko naman, nasa akin nang lahat ang mga katangiang hinahanap ng isang lalaki sa isang babae.

Ang gusto lang daw niya ay maging magkaibigan kami dahil kaibigan lang ang turing niya sa akin.

Pero ako, talagang in-love agad ako sa kanya noon pa lang una ko siyang makita. Laging siya ang laman ng aking isipan.

Minsan balak ko siyang kausapin pero nahihiya naman ako at baka sabihin niya na ako ay humahabol sa kanya.

Mali naman iyon, hindi ba?

Sana mabigyan ninyo ako ng kalutasan sa aking problema.

Gumagalang,
Marissa ng Baguio City


Dear Marissa,


Salamat naman at naiibigan mong basahin ang pitak na ito na matagal na ring naglilingkod sa mga tulad mong may problema sa puso.

Alam mo, talagang nakakaasiwa kung sa isang babae magmumula ang pagtatapat sa isang lalaki na gusto niya ito bagaman wala namang masama kung sasabihin mo sa kanya ang damdamin mo.

Hindi kasi kultura ng isang Pinoy ang pagsasabi sa isang lalaki ng kanyang nararamdaman matangi sa pagpaparamdam lang sa kanya.

Huwag mong ipagsiksikan ang iyong sarili sa kanya dahil malinaw namang sinabi niya na hanggang kaibigan lang ang turing niya sa iyo.

Maaaring dahil bata ka pa at ayaw ka niyang masaktan kung hindi rin lang naman kayo magkakatuluyan.

Anyway, hayaan mo na lang na maging magkaibigan kayo sa ngayon dahil kung talaga namang may nararamdaman siyang pagmamahal sa iyo, darating din ang panahong matutuklasan niya ang damdaming ito.

Subali’t kailangan din namang ihanda ang sarili na mabigo sakali’t hindi naman mangyari ang inaasam mong ito.

Huwag mo ring hadlangan ang sarili ng pakikipagkaibigan sa iba dahil kung may mapaghahambingan kang iba, saka mo lang matutuklasan kung sino talaga ang gusto mo.

Good luck and don’t forget to pray.

Dr. Love

Show comments