Huwag padaya sa puso

Dear Dr. Love,

A pleasant day to you. Just call me Patricia, 19 years-old. Nagmamahal ako sa isang lalaking may nagmamay-ari na. Isa siyang SK chairman sa kanilang lugar.

Unang pagkikita pa lang namin ni Mr. Red ay nagkapalagayan agad kami ng loob. Hindi nagtagal, nagkaroon kami ng bawal na relasyon sa mata ng Diyos at ng mga tao. Masaya naman po kaming dalawa sa aming relasyon pero isang araw, kinausap niya akong itigil na namin ang aming relasyon dahil nakokonsensiya na raw siya.

Kahit labag sa aking kalooban, pumayag ako sa kanyang kagustuhan. Kahit wala na kami, lagi pa rin naming sinasabi na mahal namin ang isa’t isa. Pero isang araw, nag-usap kami at sinabi niya na handa na raw siyang harapin ang anumang pagsubok sa aming relasyon. Nakikipagbalikan siya sa akin.

Mahal na mahal ko siya. Pero nagdadalawang-isip akong makipagbalikan sa kanya dahil hindi ito ang pinapangarap kong love story. Gusto ko ng tahimik na buhay. Pero hindi ko alam kung ano ang susundin ko–ang puso ko ba o ang isip ko?

Hirap na hirap na ako sa aming sitwasyon. Siya ang first love ko at sa kanya ko natagpuan ang mga katangian ng isang lalaking gusto ko. Napatunayan ko na di siya tulad ng iba na mapagsamantala.

Dapat pa ba akong makipagbalikan sa kanya? Totoo kayang mahal niya ako? Thank you and more power.

Patricia


Dear Patricia,


Mandaraya ang puso kaya bayaan mong ang manguna ang katuwiran ng iyong pag-iisip.

Ikaw na ang may sabing labag sa batas ng tao at ng Diyos ang inyong relasyon. Puwes, limutin mo siya gaano mo man siya kamahal.

Ang ligayang nadarama mo sa piling niya’y pansamantala lang dahil mayroon na siyang pananagutan sa ibang babae.

Kaya ang tingnan mo’y ang iyong kinabukasan. Natitiyak kong darating din sa buhay mo ang higit na karapat-dapat sa iyong pagtatangi.

Dr. Love

Show comments