Lumiham po ako dahil nais kong ibahagi ang aking naging karanasan sa pag-ibig at sana ay maging aral ito sa mga taong dumaranas ng problemang naranasan ko at ng aking girlfriend noon.
Tawagin na lamang po ninyo akong Nonoy ng Rizal. May nabuntis po akong babae dalawang taon na ang nakalilipas. Gulung-gulo ang isip ko noon dahil sa nangyari.
Sa kabila ng mga suhestiyon na ipalaglag namin ang sanggol, hindi po namin iyon ginawa. Alam po namin na kasalanan ito sa mata ng Diyos at sa lipunan.
Sa ngayon, dalawang taon na ang aming baby. Isa siyang maganda at malusog na batang babae.
Naganyak po akong sumulat dahil nabasa ko ang problema ni Celia na pinag-iisipang ipalaglag ang bata sa kanyang sinapupunan dahil ito ay anak sa pagkakasala.
Huwag na huwag niya itong gagawin. Malay niya, baka ang batang iyan ang susi sa kanyang tagumpay. At sa lahat ng mga may balak na magpa-abort, pakaisipin ninyo itong mabuti.
Marami pong salamat and more power.
Nonoy ng Rizal
Dear Nonoy ng Rizal,
Salamat sa liham mo at nawa ay makintal sa isip ng iba nating mambabasa na may ganitong problema na huwag silang padala sa madaliang solusyon sa problema.
Sana rin ay umiwas muna ang ating mga kabataan na gumawa ng mga mapupusok na hakbang na sa kalaunan ay pagsisisihan nila.
Unahin muna ang pag-aaral at paghahanda sa kinabukasan bago tumubog sa isang desisyong maaaring maghatid sa kanila sa mas malaking pagkakasala.
Hindi masama ang umibig subalit kailangang pairalin ang pagtitimpi at pagpapahalaga sa kapurihan ng isang babae.
Dr. Love