Cool ka lang

Dear Dr. Love,

Isa po ako sa maraming tagasubaybay ng inyong column. Naisip kong sumulat dahil alam kong kayo lang ang makapagbibigay ng solusyon sa problema ko.

Tawagin na lamang po ninyo akong Mr. Cool, 15 years-old. May problema po ako sa aking mga nililigawan. Tatlo po sila pero basted ako sa kanilang lahat.

Sa tatlo, si Jennifer ang minahal ko nang todo. Sabi po niya sa akin ay maghintay lang daw ako. Pero hindi nagtagal ay iniiwasan na niya ako.

Si Joy naman ay mahal ko rin pero hindi katulad ng pagmamahal ko kay Jennifer. Maraming nanliligaw sa kanya kaya minarapat ko na lang na tumigil na.

Ang pangatlo ay si Aileen na matanda sa akin nang dalawang taon. Parang katulad ng kay Jennifer ang pagmamahal ko sa kanya. Pero sa ngayon ay hindi na kami nagkikita dahil nag-graduate na siya ng high school.

Sa palagay po ba ninyo Dr. Love ay dapat pa akong magmahal gayong tatlong beses na akong nasaktan? Sabi po nila, ang pag-ibig daw ay kusang dumarating sa buhay ng isang tao at hindi hinahanap. Makakamtan ko rin ba ang tunay na pag-ibig?

Umaasa,
Mr. Cool



Dear Mr. Cool,


Cool ka lang. Marahil ay marami ka pang dapat matutunan sa panliligaw dahil bata ka pa. Iya’y bagay na hindi maituturo.

Habang nagkakaedad ka, made-develop ang iyong personalidad at ikaw ay magiging more attractive sa kababaihan.

Pero huwag kang susuko. Makikita mo, darating din ang araw na magkakaroon ka ng syota. Huwag kang mag-apura. Makipagkaibigan ka sa maraming babaeng kasing-edad mo at isa sa kanila’y magiging girlfriend mo one of these days.

Dr. Love

Show comments