Dear Dr. Love,
A pleasant day to you. Im one of your avid readers. Just call me Roselle. Sumulat ako dahil gusto kong humingi ng payo. May dati po akong classmate. Tawagin na lang po natin siyang Hansi. Nagkaroon po ako ng crush sa kanya at alam ko pong may crush din siya sa akin.
Nasa ibang school na ako ngayon at ganoon din siya. Hindi ko po siya makalimutan kahit na pinipilit ko. Mahirap po ang kinuha kong course at hindi ako makapag-concentrate.
Sa tagal ng pagkakaroon ko ng crush sa kanya ay napamahal na siya sa akin. Alam ko po ang phone number niya dahil ibinigay sa akin ng isa kong kaibigan. Pero everytime na tatawagan ko siya at marinig ang boses niya, hindi ako makapagsalita kaya ibinabababa ko na lang ang phone.
Nung birthday niya, pinakiusapan ko ang friend ko na tawagan si Hansi. Nagpabati lang ako ng happy birthday.
Sa bahay po namin ay mayroon ding laging tumatawag at pagkatapos ay ibinababa rin ang phone. Sana po ay matulungan ninyo ako sa problema ko. Gusto ko siyang makalimutan pero lagi ko naman siyang tinatawagan kahit na hindi ako sumasagot. Nagiging masama ang grades ko sa school. Aasahan ko po na tutulungan ninyo ako.
Umaasa,
Roselle ng Germany
Dear Roselle,
Nagtataka lang ako kung bakit gusto mo siyang limutin gayong obvious na mahal mo siya. Kung wala naman siyang asawa o girlfriend, walang hadlang kung magkaroon man kayo ng relasyon ni Hansi.
Pero tulad ng ipinapayo ko sa ibang tulad mo, hintayin mong siya ang manligaw and never make the first step to show that you are head over heels in love with him.
Be a friend to him. Magkahiwalay man kayo ng paaralan, kung sadyang may gusto siya sa iyoy liligawan ka niya.
Dr. Love