Tawagin mo na lang ako sa alyas na Marissa. Sumulat po ako sa inyo upang hingin ang mahalaga ninyong payo sa aking problema ngayon.
Ang suliranin ko po ay tungkol sa aking boyfriend na bukod sa may asawa na ay mayroon pang dalawang anak.
Hindi ko po alam kung tanga ako o nagpapakatanga sa ngalan ng pag-ibig. Ang alam ko lang po ay mahal na mahal ko siya at gayundin naman siya sa akin.
Wala naman kaming pinag-aawayan. Mabait siya sa akin at lahat ng gusto ko ay ipinagkakaloob niya. Sampung buwan na po ang aming relasyon at hindi ko akalain na tatagal kami. Iniisip kong kalimutan na lang siya dahil sa aming sitwasyon pero hindi ko ito magawa.
Payuhan po sana ninyo ako nang hindi ako magsisi sa bandang huli. Wala siyang ipinapangakong pakikisamahan niya ako pero hindi ko maiwasan na asahan ang ganitong arrangement.
Marissa
Dear Marissa,
Buksan mo ang iyong mga mata at isipan sa katotohanan na kailanman ay hindi mo siya masosolo dahil may asawa na siya at mga anak at hindi naman niya ipinaglihim ang bagay na ito, hindi ba?
Habang maaga ay kalimutan mo na siya. Gusto mo bang maging dahilan ng pagkawasak ng isang pamilya? Paano kung ikaw ang nasa katayuan ng kanyang misis? Paano mo tatanggapin ang bagay na ito?
Pansamantala lang ang sakit ng kalooban na mararamdaman mo kung kakalas ka sa inyong relasyon pero higit na kapanatagan ng kalooban ang maibibigay nito sa iyo.
Mas masakit kung iwan ka niya nang magkakaroon ng bunga ang inyong bawal na relasyon.
Bago mahuli ang lahat, pilitin mong imulat ang pikit mong mga mata. Huwag mong isipin ang sakit sa puso mo sa gagawin mo dahil higit na masakit kung ikaw ang iiwan pagdating ng araw.
Dr. Love