Babalik pa kaya siya?

Dear Dr. Love,

Kumusta po kayo at inyong mga kasamahan sa PSN. Ikalawang liham ko na po ito sa inyong malaganap na kolum at sana ay mabigyan ninyo ako ng mahalagang payo hinggil sa problema ko sa pag-ibig.

Tawagin mo na lang po akong Maming, 19 years-old. Ang nobyo ko po naman ay si Raffy, 22 years-old.

Noong una, dito siya sa aming bayan nagtatrabaho pero nalipat siya sa ibang lugar at nagsimula na ang aking suliranin.

Noong nandito lang siya nakadestino, araw-araw ay nagkikita kami at dinadalaw niya ako sa aming tahanan. Ang gusto pa nga niya ay lagi ako sa kanyang tabi kung magkasama kami.

Pero ngayong nawala na siya sa lugar namin, mula nang mamaalam siya sa akin, bigla na lang siyang naglaho.

Gusto ko man siyang tawagan at kausapin, inaalihan naman ako ng pagkapahiya sa pangambang makaistorbo ako sa kanya.

Nag-aalala lang naman ako kung ano na ang nangyari sa kanya. Palagay po kaya ninyo, babalik pa siya sa akin? Sana naman, dalawin niya ako o kaya’y sumulat man lang siya sa akin kung hindi siya makatawag sa telepono.

Hanggang dito na lang po at maraming salamat sa pagbibigay-daan ninyo sa liham na ito.

Maming


Dear Maming,


Salamat sa pagtangkilik mo sa pitak na ito at sana sa panahon ng Semana Santa ay matagpuan mo ang kapayapaan ng damdamin.

Hindi mo masasagot ang problema mo kung mananatili kang nahihiya sa pagsulat o kaya’y pagtawag sa nobyo mo para alamin kung ano na ang nangyari sa kanya.

Isang tawag lang naman at dito ay malalaman mo na kung mayroong kahihinatnan pa ang relasyon ninyong dalawa.

Kung marami siyang alibi kung bakit hindi ka nadadalaw o natatawagan man lang, ituring mo na lang na isang panaginip ang pagkakakilala mo sa kanya at pagkakaroon ninyo ng relasyon.

Ang isang nobyo, kung talagang mahal ka niya, ay hindi magbibigay ng alinlangan sa isang minamahal. Kung nagkalayo man kayo, hindi niya dapat na iparamdam sa iyo ang pagkakalayong ito at gagawa siya ng lahat ng daan para makausap ka man lang.

Kung tawagan mo na lang siya at tanungin kung ano na nga ba ang lagay ng inyong relasyon? May karapatan kang malaman kung ano ang naging dahilan ng panlalamig niya at hindi makatarungan na paghintayin ka niya sa wala.

Dr. Love

Show comments