Ang bunga ng lahat

Dear Dr. Love,

A pleasant day to you! Matagal na po naming gustong sumulat sa inyo kaya lang ay pinag-iisipan pa ho namin kung paano ba ikukuwento ang lahat sa inyo. Pamagatan na lamang ninyo itong "Ang bunga ng lahat."

Magkapatid kami sa ama pero maganda ang aming samahan sa kabila nito. Nagmamalasakitan kami sa isa’t isa pero hindi namin kapwa akalain na ito ang magiging dahilan para dumanas kaming pareho ng sama ng loob at ngayon ay nakabilanggo.

Ulila na kami sa mga magulang kaya’t kahit magkapatid lang kami sa ama ay nagdadamayan kami.

Bilang kapatid ay hindi ko matiis na makitang saktan ninuman ang kadugo ko may kasalanan man ito o wala. Natural na idepensa ko siya. Hindi ko mapapayagan na basta na lang siya bubugbugin ng sinuman.

Nag-uusap kaming magkapatid nang bigla siyang hatawin ng dos-por-dos sa likod ng kanyang kaaway. Dala ng pagkabigla, nahataw ko rin sa mukha ang isa sa tatlong nakaaway ng kapatid ko. Walang buhay itong nalugmok. Hindi na ito nailigtas ng mga doktor dahil nabasag ang bungo nito. Anak pala ito ng pulis kaya nang makulong kaming magkapatid ay matinding hirap ang inabot naming dalawa.

Hindi kami pinayagang makapagpa-medical sa takot na magkontra-demanda kami. Wala kaming nagawa hanggang sa matalo kami sa kaso at nasentensiyahan. Dahil inamin kong ako ang pumatay, habambuhay na pagkabilanggo ang ipinataw sa akin at ang kapatid ko naman ay lima hanggang pitong taong pagkakabilanggo.

Payuhan po ninyo kami at kung maaari sana ay tulungan ninyo kaming magkaroon ng mga kaibigan sa pamamagitan ng inyong sikat na pahayagang Pilipino Star NGAYON.

Sasagutin po namin ang sinumang susulat sa amin. Marami pong salamat at sana ay pagpalain kayo ng Ating Diyos nang marami pa kayong matulungan.

Gumagalang,
Nestor Carriaga, 34, at Guilbert Acepcion, 31,
Dormitory 13-A B.O.C., Muntinlupa City 1776



Dear Nestor at Guilbert,


Nakakalungkot naman ang sinapit ninyong magkapatid. Nakakalungkot na mabatid na dahil sa kawalan ng pasensiya at kabiglaanan, ang isang tao ay makakagawa ng pagkakasala na ngayon ay pinagdurusahan.

Sana, habang pinagsisihan ninyong magkapatid ang hatol ng hukuman, huwag ninyong makakalimutan ang tumawag sa Diyos.

Nasa tao ang gawa, nasa Diyos ang awa, ika nga.

Hindi ko nais na sisihin kayo sa nangyari. Kaya nga lang, hindi talagang dapat inilalagay ang batas sa mga kamay. Naging biktima rin kayo ng bulok na hustisya sa ating bansa na kung sino ang nasa kapangyarihan, kahit na ito ang may kasalanan, ay siyang nananaig. Hindi lang kayo ang dumanas niyan, alam ko, at naniniwala akong marami sa mga nakakulong sa mga piitan ay mga inosente sa kasalanang ibinibintang sa kanila.

Hindi na ba puwedeng iapela sa Korte Suprema ang hatol sa iyo (Nestor) para sa kaukulang pagpapababa ng hatol?

Sana, huwag kayong mawawalan nang tiwala sa Diyos at sa ating hukuman. Kasama kayo sa aking dalangin na sana’y matamo ninyo ang kapayapaan ng kalooban sa kabila ng inyong pagdurusa. Sana ay marami kayong maging kaibigan sa panulat. God bless.

Dr. Love

Show comments