Huwag maghintay sa wala

Dear Dr. Love,

Bago ang lahat ay nais ko munang batiin ang lahat ng tagasubaybay ng PSN. Tawagin na lamang ninyo akong Miss Capricorn, ipinanganak noong Enero 19, 1983.

Ang problema ko po ay tungkol sa aking boyfriend na si Mr. Virgo. Limang taon na po ang aming relasyon. Mabait po siya at matulungin sa anumang bagay. Kapag may problema ako ay tumutulong siyang mabigyan ito ng solusyon. Masayang-masaya kami kapag magkasama at mahal na mahal namin ang isa’t isa.

Kaya lang, noong January 30, 2001 ay lumuwas siya ng Maynila para maghanap ng trabaho. Mula noon ay hindi na siya sumulat sa akin. Ni hindi ko alam kung nasaan na siya.

Ano po ba ang dapat kong gawin? Sana ay bigyan ninyo ako ng advice.

Marami pong salamat.

Gumagalang,

Miss Capricorn


Dear Miss Capricorn,


Marami na ang lumiham sa akin na kapareho ng sa iyo ang problema at iisa ang payo ko.

Alamin mong mabuti sa kanyang mga kamag-anak ang kanyang kalagayan. Baka my dahilan kung bakit hindi ka niya sinusulatan.

Tama lang na magtakda ka ng panahon para hintayin siya. Pero hindi ka dapat maghintay habambuhay.

Gaano mo man siya kamahal, kung wala ka namang komunikasyon sa kanya, hindi makatwiran na maghintay nang walang inaasahan.

Masakit man sa una, maghihilom din ang sugat sa kalaunan.

Dr. Love

Show comments