Namangka sa 2 ilog

Dear Dr. Love,

Sumulat po ako sa inyo para humingi ng tulong kung ano ang gagawin ko sa buhay ko ngayon.

Ako po ay may boyfriend. Dalawa po sila. Yung isa ay sinagot ko dahil sa awa. Pero tapat siya sa akin kahit hindi ko siya mahal. Kapag galit ako sa kanya, agad siyang pumupunta sa akin para suyuin ako. Yung pangalawa ang mahal ko pero ginive-up niya ako dahil marami raw siyang naririnig tungkol sa akin. Bakit ganoon? Kung sino pa ang mahal ko ay siyang nawawala? Sa ngayon ay may nanliligaw na naman sa akin at umiiyak ako kapag hindi ko siya nakikita. Bakit po kung kailan nahuhulog ang loob ko sa kanila ay saka nila ako iniiwan? Kapalaran ko ba talaga ang mabigo?

Scorpio Girl


Dear Scorpio Girl,


Siguro, iniwan ka ng mahal mong boyfriend dahil nalaman niyang may isa ka pang siyota.

Kung ang isa mong nobyo ay sinagot mo dahil lang sa awa, nagkamali ka. Babae man o lalaki, dapat maging tapat sa kanilang mga kasintahan.

Sakaling makita mo ang boyfriend mo na tunay mong mahal, humingi ka ng tawad. Ipaliwanag mo ang sitwasyon at higit sa lahat, makipag-break ka na sa isa mo pang kasintahan. Siyempre, masasaktan siya. Pero mas mabuti ang minsanang sakit kaysa mabuhay kayo sa pagkukunwari.

Dr. Love

Show comments