Nahihirapan po ako sa aking sitwasyon ngayon. Hindi ko po alam kung ano ang dapat kong gawin. Isa po akong dalagang-ina, 23 taong-gulang at kasalukuyang nagtatrabaho bilang isang katulong.
Ang problema ko po ay tungkol sa lalaking minamahal ko. Anak po siya ng mga amo ko. Dalawa silang magkapatidisang babae at isang lalaki at siya ang panganay. Seventeen years-old pa lang siya. Nahulog po ang loob ko sa kanya. Hindi ko masasabing may relasyon kami dahil ni minsan ay hindi niya sinabi sa akin na mahal niya ako. Pero may nangyari sa amin. Maraming beses na hanggang sa mabuntis niya ako. Ang kaso ay hindi kami puwedeng makasal dahil menor de edad pa lang siya. Nasa high school pa lang siya.
Magpahanggang sa ngayon ay pinagsisilbihan ko pa rin siya para lang mahalin niya ako. Pero akoy bigo dahil walang nangyayari sa paghihirap ko. Pero hindi pa rin ako sumusuko.
Bakit kaya hindi niya ako matutunang mahalin gayong hindi naman ako mahirap mahalin? Mayroon din naman akong angking kagandahan. Wala rin silang maipipintas sa akin dahil mabait naman ako at maunawain sa kapwa. Hindi ko po alam kung bakit siya ganoon gayong lahat naman ng gusto niya ay ibinibigay ko.
Sa ngayon ay six months na po ang anak namin. Mahal naman niya ito pero hanggang ngayon ay buhay binata pa rin siya at walang ipinagbago.
Dr. Love, matututunan din kaya niya akong mahalin? Ano po ba ang dapat kong gawin? Sana po ay matulungan ninyo ako. Hihintayin ko po ang inyong sagot. Maraming salamat.
Gumagalang at umaasa,
Bing ng Caloocan City
Dear Bing,
Mahirap ang kalagayan mo. Naanakan ka ng anak ng iyong amo na menor de edad. Kung may nadarama kang pag-ibig sa kanya, posibleng hindi ka niya mahal kundi ginawa ka lang niyang parausan.
Panahon lang ang makapagsasabi kung mamahalin ka rin niya pagdating ng araw. Ngunit papaano kung hindi? Maghihintay ka na lang ba sa wala?
At paano kung dumating ang araw na mag-asawa siya sa iba? Hindi ko sinasabing ganyan nga ang mangyayari pero dapat na ihanda mo ang iyong sarili at magpakatatag ka.
Maaari ring dumating ang araw na ilayo niya sa iyo ang inyong anak. Kung handa ka namang makipaglaban sa korte, ano naman ang laban mo sa may pera?
Ituring mong isang masaklap na karanasan ang nangyari sa iyo at kapulutan mo ito ng aral para hindi na muling mangyari pa sa iyo.
Dr. Love