Nilayuan ko ang mahal ko

Dear Dr. Love,

Hello! Isa pong magandang araw sa inyong lahat sa PSN. Hindi po ninyo naitatanong, isa po ako sa masugid ninyong tagasubaybay at kinalulugdan ko ng labis ang mga napupulot kong aral mula sa inyong column.

Dr. Love, lumiham po ako sa inyo para ihingi ng payo ang kasalukuyan kong problema sa pag-ibig.

Ako po ay taga-Iloilo at dito ko nakilala ang isang lalaking nagpatibok ng aking puso na itago na lang natin sa pangalang Mr. Libra.

Mahal na mahal ko po si Mr. Libra at hindi ko ipinagkait ang pagpapakita sa kanya ng pagmamahal anuman ang hilingin niya sa akin.

Subali’t nataranta ako at masyadong nasaktan nang mabatid kong mayroon na pala siyang pananagutan sa buhay na hindi niya ipinagtapat agad sa akin.

Sinumbatan ko siya sa impormasyong tinanggap na hindi naman niya tinanggihan. Subali’t sinabi niyang ako ang kanyang mahal at handa niyang talikuran ang kanyang pamilya para bigyang daan na ang aming pagsasama.

Gusto ko sanang maniwala sa kanya. Subali’t sa dakong huli, napag-isip ko na ako ang malulugi kung ipagpapatuloy ko pa ang relasyon ko sa kanya.

Ito ang dahilan kung bakit ako umalis sa aming probinsya at narito ako ngayon sa Maynila para magtrabaho at dito na rin magpapagaling ng sugat ng puso.

Ang akala ko, malilimot ko na siya at tuloy-tuloy na ang pagbabagong-buhay ko. Subali’t hanggang dito sa Maynila ay nasundan pa niya ako at pilit na iginigiit na magsama na kami at hindi ko raw pagsisisihan ang pagsama ko sa kanya.

Mahal ko pa hanggang ngayon si Mr. Libra. Nanlalambot na rin ang paninindigan ko na talikuran siya para bumalik na lang siya sa kanyang pamilya. Ano po ba ang dapat kong gawin?

Rossana


Dear Rossana,


Ikinatutuwa kong masugid kang tagasubaybay ng pitak na ito. Tulad ng iba, dalangin naming patuloy na tangkilikin mo ang aming malaganap na babasahin.

Ang masasabi ko sa problema mo, tama lang ang naging desisyon mo na layuan ang nobyong may asawa. Nagmamahalan man kayong dalawa, wala namang katiyakan kung hanggang kailan mananatili ang relasyon ninyo. Kawawa naman ang lumuluha niyang pamilya at mga magiging supling ninyo kung sakali na magiging illegitimate.

Hindi lang ang puso ang pinaiiral sa pag-ibig. Kailangan ding timbangin kung ang relasyong nabuo o bubuuin pa ay magiging maligaya at walang itatago sa lipunan at sa mata ng Panginoon.

Kasal si Mr. Libra at hindi mo rin alam kung wala siyang balak na pawalang bisa ang kasal sa kanyang tunay na asawa. Ano ang magiging labas mo niyan? Isang kerida?

Tatagan mo ang paninindigan anuman ang nangyari sa inyong dalawa sa nakalipas na panahon. Ang mahalaga, matuto mong pahalagahan ang iyong desisyon na para sa kabutihan ng lahat.

Ipagpatuloy mo ang panalangin sa Diyos para bigyan ka ng matatag na paninindigan na pilit na inilulugso ng tukso sa katauhan ng nobyo mong may asawa.

Good luck at sana matagpuan mo ang kapayapaan ng iyong damdamin.

Dr. Love

Show comments