Goodbye Darling T-bird

Dear Dr. Love,

First of all, let me greet you a pleasant hello. I’m one of your avid readers and I admire the way you give advice to your letter senders. Hindi ko sukat akalain na darating din ang panahong ako naman ang siyang liliham sa inyo para humingi ng mahalaga ninyong payo.

Just call me Ms. R.M., 18 years-old. Nahihiya po sana akong sumulat sa inyo para ihingi ng payo ang problema ko subali’t kailangang-kailangan ko talaga ang advice ninyo sa suliranin kong ito.

Nagsimula po ang aking problema nang magkaroon ako ng relasyon sa isang t-bird. Hindi ko nga po alam kung bakit ako napasok sa gayong relasyon. Maaaring dala ito ng pangyayaring ang mga kasama ko sa barkada ay isang babae at t-bird at ang isa dito ay mayroong ka-relasyong babae.

Isang buwan po lang naman kaming naging mag-on. Nag-break kami matapos kong malaman na mayroon na siyang ibang ka-relasyong babae at nitong dakong huli, sila naman ng aking kapatid na babae ang magkarelasyon.

Hindi ko po malaman kung bakit hindi ko siya malimutan gayong nagkaroon naman ako ng boyfriend noon bagaman hindi kasing intense ang aking emosyon noon nang mag-break kami.

Nang malaman ko na na-hook din niya ang aking kapatid, gayong alam naman niya ang relasyon namin noon, lalong sumakit ang damdamin ko.

Nagalit pa ang kapatid ko nang hindi ko na siya kinikibo at ni hindi siya humingi ng sorry sa pangyayari.

Nang pakiramdam ko ay naging maliit na ang ginagalawan naming lugar sa tahanan, nagpasiya akong magbakasyon.

Nag-iiyak ako dahil nasira ang magandang pagtitinginan naming magkapatid dahil lang sa isang t-bird.

May nabasa po ako sa isang isyu ng pitak ninyo na isang malaking kasalanan ang makipagrelasyon sa isang kabaro. Para po akong sinampal noon.

Tama po ba ang ginawa kong paglayo bagaman masakit ito sa loob ko at hindi ko pa siya makalimutan? To be honest, I still love her but I am willing to forget her.

Thank you for reading my letter at inaasahan ko po ang inyong kasagutan.

Sincerely yours,

Ms. R.M.


Dear Ms. R.M.


Mabuti naman at namulat ka sa katotohanan na isang malaking pagkakasala ang magpatuloy ng relasyon sa isang kabaro. Gayong alam mo na ang masamang epekto ng iyong karanasan, sana idinamay mo nang mailigtas sa kahalintulad na pangyayari ang iyong kapatid na babae.

Bakit hindi mo ipagtapat sa inyong mga magulang ang pangyayaring ito para matulungan mo ang iyong kapatid sa lubusang pagkalimot sa sarili sa karelasyon niyang tomboy?

Nakapagtataka namang patuloy mo pang minamahal ang tomboy na iyon na hindi lang ikaw ang nabiktima kundi pati na ang kapatid mo.

Bagaman hindi kinokondena ng pitak na ito ang mga tomboy dahil hindi naman nila kasalanan na nagkaganyan sila, nasa atin ng mga kababaihan ang pag-iingat at paninindigan para makaiwas sa isang relasyong bawal.

Hindi masama ang makipagkaibigan sa tomboy at bakla subali’t ang higit na nakakaunawa ang sana ay magkaroon ng katatagang magpigil para hindi mapariwara.

Huwag kang makalimot na magdasal at ihingi ng tawad ang bawal na pakikipagrelasyon sa isang kabaro. Marami namang lalaki na mapagpipilian pero bakit nga ba nararahuyo ang ilan sa katulad niya ang kasarian?

Tama ang ginawa mong paglayo at kalimutan mo na siya. Huwag mong kagalitan at pagselosan ang kapatid mo bagkus ay makipaglapit ka sa kanya at sa sandaling makuha mo nang muli ang kanyang loob, awatin mo na siyang unti-unti sa nobyo niyang tomboy.

Dr. Love

Show comments