Laging sawi

Dear Dr. Love,

Tawagin na lamang ninyo akong Flor, 49 years-old, ipinanganak noong Set. 11, 1951. Gusto ko po lamang malaman kung bakit lagi akong sawi sa pag-ibig at puro hirap at dusa na lamang po ang dinaranas ko hanggang sa ngayon. Mayroon po akong lalaking mahal na mahal pero hindi naman po ako sigurado kung mahal din niya ako. Sinasabi niya sa akin na mahal niya ako pero hindi ko naman ito madama.

Ano po ba ang dapat kong gawin? Ibig ko po siyang iwasan pero hindi ko magawa dahil iniisip ko pa lamang ay parang maloloka na ako. Ano po ba ang dapat kong gawin para malaman kung niloloko lang niya ako? Pagpayuhan mo sana ako. Dalang-dala na ako sa mga lalaki at pakiwari ko, lahat sila ay puro manloloko.

Flor



Dear Flor,


Kung 49 years-old ka na at laging sawi sa pag-ibig, marahil nais ng Diyos na italaga mo ang sarili mo sa paglilingkod sa Kanya.

Ayon sa Biblia, may mga taong itinatadhanang huwag mag-asawa dahil sila ay inilaan para sa Kanyang paglilingkod.

Hindi ko sinasabing ito na nga ang dapat mong gawin pero magbasa ka ng Kanyang mga salita at magbulay.

Sa ganyang paraan ay malinaw mong mauunawaan kung ano ang ibig Niyang ipagawa sa iyo.

Ang tunay na ligaya'y hindi lamang matatagpuan sa romantikong uri ng pag-ibig.

May uri ng pag-ibig na mas dakila at iyan ay ang pag-ibig at paglilingkod sa Diyos.

Dr. Love

Show comments