Sweet sixteen

Dear Dr. Love,

Hi to all the staff of PSN lalung-lalo na sa inyo, Dr. Love.

I am one of your avid readers and I really like your advices. I didn’t expect na darating ang time na hihingi ako ng payo sa iyo.

Just call me Lhan, 16 years-old. Ang hihingin ko pong payo ay tungkol sa aking boyfriend na tawagin na lang natin sa pangalang Nald.

Mahal na mahal ko po siya at gayundin naman ako sa kanya.

Sa ngayon po ay magkahiwalay kami dahil nagpaalam siya sa akin na magtatrabaho dahil kailangan niya ang pera.

Ako naman ay nandito na ngayon sa Quezon City. Mula po ako sa Bicol. Naisipan ko pong umalis sa amin para magtrabaho at kahit papaano ay malibang din dahil simula nang umalis si Nald ay nalungkot na ako dahil laging siya ang laman ng isipan ko.

Ang akala ko nang umalis ako sa amin, matatakasan ko ang kalungkutan. Mali pala ako dahil hanggang ngayon, ang akala ko ay lagi siya sa piling ko.

Ang problema ko po ay mula nang umalis siya, isang beses pa lang niya akong nasulatan gayong ang pangako niya ay lagi siyang susulat sa akin.

Lagi ko siyang sinusulatan pero hindi niya ako sinasagot. Nagsawa na po ako sa pagsulat sa kanya.

Iniisip ko po na baka may iba na siyang mahal o nakalimutan na niya ako. Ano ang dapat kong gawin? Naguguluhan po ako kasi at kung anu-ano ang pumapasok sa isip ko. Sa tingin po ba ninyo ay magkikita pa kami at magkakatuluyan?

Maraming salamat po at umaasa ako sa mahalagang payo ninyo sa akin.

Lhan


Dear Lhan,

Isang magandang araw din sa iyo at sana pagkatanggap mo ng payong ito ay magliliwanag na ang isip mo. Lubhang bata ka pa para maging seryoso sa pag-ibig.

Hindi namin tinatawaran ang damdamin mo pero dahil sa sitwasyong naghihiwalay sa inyong dalawa ni Nald, makabubuting huwag ka na munang mainip sa pagbabalik niya dahil ang sabi mo nga, kailangan niyang magtrabaho dahil mayroong problemang pinansiyal siya at ang kanyang pamilya.

Pagbutihin mo na muna ang pagtatrabaho mo sa ngayon. Mag-ipon ka rin para sa kinabukasan mo at sikapin mong iwaksi sa isip ang tungkol sa pag-ibig.

Batambata ka pa at kung hindi man kayo ang magkatuluyan ng boyfriend mo, marami ka pang makikilalang iba. Kung talagang kayo ni Nald ang magkapalad sa isa’t isa, gagawa ng daan ang tadhana para magkita kayong muli o gagawa siya ng daan para magkaroon uli kayo ng komunikasyon.

Mahirap pagsamahin ang pag-ibig at paghahanapbuhay bilang paghahanda sa kinabukasan.

Maaaring praktikal lang ang boyfriend mo at nahihirapan din siya sa trabaho kaya hindi niya nasasagot ang liham mo o maaaring tama rin ang hinala mo na may iba na siyang nililigawan.

Magkahiwalay kayo at nalulungkot din siya tulad mo.

Cheer up. Mag-enjoy ka muna sa pagiging dalaga at sikapin mong mapaghandaan ang kinabukasan mo.

Dr. Love

Show comments