^

Dr. Love

Habang may buhay, laging may pag-asa

-
Dear Dr. Love,

Magandang araw po sa inyo. Nawa’y sa pagtanggap po ninyo nitong aba kong sulat ay nasa mabuti kayong kalagayan at ilayo po kayo sa karamdaman at kapahamakan, gayundin po ang mahal ninyo sa buhay at mga kasamahan sa pasulatan.

Isa po ako sa libu-libong sumusubaybay sa column ninyo sa Pilipino Star Ngayon. Kaya po ako sumulat sa inyo, Dr. Love ay upang alamin kung karapat-dapat pa ako sa isang malayang lipunan.

Tawagin na lamang po ninyo ako sa pangalang Nestor P. Rayton, taga Oas, Albay. Nakakulong po ako sa kasong hindi ko ginawa. Dito po sa loob, lungkot at hirap ang inabot ko dahil malayo po ako sa aking mga magulang at kapatid at hindi nila ako nadadalaw kasi malayo po ang Bicol.

Minsan, naiisip ko po na wala na yata akong pag-asa sa buhay dahil nga po sa aking kalagayan ko dito sa bilangguan. Nagdurusa sa kasalanan na hindi ko ginawa. Napakasakit po, hindi ba Dr. Love?

Ang nais ko pong itanong ay kung makalaya na ako dito, hindi po ba ako pandidirihan ng mga taong nasa malayang lipunan? Payuhan po ninyo ako. Naguguluhan po ako kung bakit ganito ang naging buhay ko.

Sana po, magkaroon ako ng maraming kaibigan sa panulat upang mabawasan man lang ang aking kalungkutang dinaranas. Umaasa po ako na ako ay uunawain ninyo.

Maraming salamat po sa inyo.


Gumagalang,
Nestor P. Rayton
I- D College Dorm
B.S Commerce Course
Camp Sampaguita, Muntinlupa City
1703


Dear Nestor,

Salamat sa liham mo at inaasahan kong sa paglalathala nito ay makakadama ka ng kapayapaan sa kalooban.

Talagang ang buhay ay masalimuot, mabato ang dinaraan patungo sa hangad na puntahan at kung makakalingat ka lang, madadapa ka sa dinaraanan.

Hindi ko puwedeng hatulan kung may nagawa ka ngang kasalanan kung kaya’t hindi ka malaya dahil iyan ay legal na problema. Subalit’t kung tunay ka ngang walang pagkakasala, puwede mo namang iapela ang kaso mo sa korte bagaman ito ay nangangahulugan ng mahaba-haba pa ring panahon ng paghihintay, gastos at legal battle.

Bagaman nahatulan ka at kasalukuyang nakapiit, huwag mo itong ikasira ng loob bagkus, ituring mong isa lang sa maraming hamon ng buhay. Huwag kang mawawalan ng tiwala sa Diyos at tao. Magpakabuti ka para sa maagang paglaya. Huwag ka ring makakalimot na tumawag sa ating Panginoon at idaing sa Kanya ang hirap mong dinaranas. Maraming bagay ang nagagawa ng panalangin sa isang tao. Ang ating lipunan, bagaman kung minsan ay malupit, ay mayroon ding ibinibigay na pagkakataon sa mga nagbabagong-buhay. Huwag mong alisin ang tiwala sa katarungan.

Oo, may magandang pagkakataon ka pa basta lang ipinakikita mong ikaw ay malinis, matapat at tumatahak sa tamang landas ng buhay.

Sana, makaluwag sa damdamin mo ang mga payo kong ito at wala akong hangad kundi maaga kang makabalik uli sa malayang lipunan.

Dr. Love

AKO

BUHAY

CAMP SAMPAGUITA

DR. LOVE

HUWAG

KUNG

NESTOR P

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with