Takot magsisi

Dear Dr. Love,

Greetings to all the staff of PSN. Isa po ako sa masugid ninyong tagasubaybay at isa na rin po ako sa nabigyan n’yo ng payo. Sumulat po ako ulit dahil gusto ko ring hingan ng payo ang aking kaibigan.

Mayroon po akong kaibigan. Tawagin na lang natin siyang Miss Scorpio. Mayroon po siyang boyfriend sa ngayon ay mabait naman, walang bisyo at may trabaho. Siya po si Mr. Leo. Magdadalawang taon na po ang kanilang relasyon at dumating na sa punto na niyaya na niyang magpakasal ang kaibigan ko. Pero natatakot namang magpakasal itong si Miss Scorpio dahil baka pagsisihan daw niya ito bandang huli.

Dr. Love, pareho na rin po silang 30 years old at nasa tamang edad na rin sila. Ano po ba ang dapat kong ipaliwanag sa aking kaibigan para makatulong din ako sa kanilang dalawa. Ito na po ba ang right time para sila magpakasal o dapat na pag-isipan muna nila ito. Sabi kasi nila ay Mama’s boy daw si Mr. Leo. Dr. Love, sa’yo lang po ako humihingi ng tulong dahil alam ko na magaling kang magbigay ng advice. Sana ay mabigyan ninyo ng tugon ang aking liham. Maraming salamat, more power and God bless!!

Lubos na umaasa,

Lovely




Dear Lovely,

Kung nag-aalangan ang iyong kaibigan na magpakasal sa kanyang boyfriend, posibleng hindi pa niya tiyak sa kanyang sarili kung mahal niya ang boyfriend niya o hindi.

Nagtataka lang ako kung bakit umabot ng dalawang taon ang kanilang relasyon nang may agam-agam pa siya sa kanyang sarili.

Posible ring may mapait siyang karanasan sa ibang lalaki o kaya’y hindi naging magandang ehemplo ang relasyon ng kanyang mga magulang kung kaya’t may pangamba siya sa kanyang dibdib.

Ipaalala mo sa kanya na papatahak na siya sa pagiging old maid at napapanahong magdesisyon siya kung tatanggapin o hindi ang iniaalok na kasal ng kanyang nobyo.

Bigyan mo rin siya ng encouragement na hangga’t isinasangguni niya sa Diyos sa pamamagitan ng taimtim na panalangin ang ano mang desisyong dapat niyang gawin, hindi siya magkakamali at hindi siya magsisisi.

Dr. Love

Show comments