10 pang testigo ng defense, isasalang sa VP Sara trial
MANILA, Philippines — Nakatakdang isalang ng defense team ni Vice President Sara Duterte ang 10 pang testigo sa paglilitis laban dito sa Senate impeachment court.
Ito ang inihayag ni House prosecution Spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong kung saan inaasahan na isusumite na ng defense team ni VP Sara ang mga pangalan ng nalalabi pang mga testigo para maikonsidera ng impeachment court.
Ang testigo ng defense team ni VP Sara ay nabawasan na matapos namang una nang bawiin ni Atty. Michael Wesley Poa ang 15 testigo mula sa iba’t ibang bangko kung saan may nakadepositong pera ang respondent at ang mister nitong si Atty. Manases Carpio kabilang ang kanilang dollar accounts.
Noong Nobyembre 9 ay sinimulan na ng defense team ni VP Sara ang magprisinta ng mga testigo at ebidensya sa Senate impeachment court upang salungatin ang P817.87 milyong unexplained wealth ni VP Duterte at Carpio.
Gayunman nabigo ang defense team na gibain ang ebidensya ng prosecution kung saan ang mga iniharap na testigo pa ang nagmistulang nakasalang sa ‘hot seat’ matapos namang mabukalkal ang China trip kung saan wala umanong matandaan sa mga detalye ang mga testigo.
- Latest















