Dagupan treasurer sinibak sa P999,750 ‘ghost’ boat deal
DAGUPAN CITY, Pangasinan, Philippines — Iniutos ng Office of the Ombudsman ang pagkakasibak sa serbisyo kay Dagupan City, Pangasinan Treasurer Romelita Fonseca Alcantara matapos mapatunayang administratibong responsable sa “grave misconduct” kaugnay ng umano’y maanomalyang pagbili ng dalawang kahoy na motorboat na nagkakahalaga ng P999,750 ngunit hindi naman naipasakamay sa pamahalaang lungsod.
Sa desisyon ng Ombudsman, napatunayang sangkot si Alcantara sa iregular na pagpapalabas ng pondo ng gobyerno bilang buong bayad sa dalawang bangkang hindi naman naideliber sa lungsod.
Bukod sa pagkakasibak, ipinataw kay Alcantara ang kanselasyon ng kanyang civil service eligibility, forfeiture of retirement benefits, habambuhay na diskuwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno at pagbabawal na kumuha ng civil service examination, alinsunod sa desisyon ng Ombudsman noong October 19, 2026.
Nagsimula ang kaso sa reklamong inihain nina city sanitation inspector Bernard Cabison at General Services Officer Melchor Guiang, na nagsabing pineke ang kanilang mga lagda sa Property Acknowledgment Receipt at Inspection and Acceptance Report na ginamit upang maproseso ang bayad sa supplier.
Batay sa imbestigasyon, lumahok si Alcantara sa paghahanda ng disbursement voucher at tseke na nagbigay-daan sa pagpapalabas ng P999,750.
- Latest






















