VP Sara lamang pa rin kay Pangulong Marcos sa trust, approval

MANILA, Philippines — Nananatiling mas mataas ang trust at approval ratings ni Vice President Sara Duterte kaysa kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kabila ng bahagyang pagbaba ng kanyang mga marka, ayon sa pinakahuling survey ng Pulse Asia.
Batay sa survey na isinagawa noong Setyembre 17 hanggang 24, 2026, nakakuha si Duterte ng 54 porsiyentong approval rating at 55 porsiyentong trust rating. Bagama’t bumaba ito ng dalawang at tatlong percentage points, ayon sa pagkakasunod, nananatili pa rin siyang mayoryang inaprubahan at pinagkakatiwalaan ng mga Pilipino.
Samantala, bahagyang tumaas ang approval rating ni Marcos mula 29 porsiyento noong Hulyo tungo sa 30 porsiyento. Ang kanyang trust rating naman ay nasa 28 porsiyento.
Ayon sa Pulse Asia, “small majorities” pa rin ng mga Pilipino ang aprubado at nagtitiwala sa Bise Presidente, habang halos kalahati ng mga respondent ang kritikal sa performance ng Pangulo at nagpahayag ng kawalan ng tiwala rito.
Pinakamataas ang trust rating ni Duterte sa Mindanao kung saan umabot ito sa 94 porsiyento, gayundin sa Class E na may 69 porsiyento. Samantala, pinakamataas naman ang trust rating ni Marcos sa Balance Luzon sa 43 porsiyento.
Isinagawa ang survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 2,400 respondents na may edad 18 pataas. Mayroon itong ±2 porsiyentong margin of error sa 95 porsiyentong confidence level.
- Latest


















