OVP Custodians makakalaboso, madidismis
MANILA, Philippines — Namemeligrong makulong at masibak sa serbisyo ang mga fund custodians ng Office of the Vice President (OVP) kung mapatunayang nabigo silang ma-account ang paggasta ng confidential funds ni VP Sara Duterte.
Binigyang-diin ni Deputy Speaker Paolo Ortega ng La Union na ang responsibilidad sa confidential funds ay nakasalalay sa mga accountable officers, kabilang si Gina Acosta, Special Disbursing Officer (SDO) ng OVP.
“Talagang dapat po alam nila kasi puwede po silang makulong d’yan, eh. Puwede po silang matanggal sa trabaho d’yan, eh,” ani Ortega.
Ayon kay Acosta, apat na beses niyang itinurnover ang tig-P125 milyong confidential funds (kabuuang P500 milyon) kay Col. Raymund Dante Lachica, dating Chief ng Vice Presidential Security Group (VPSPG). Si Lachica umano ang nagpatupad ng mga proyekto at namahagi ng pera sa utos ni VP Duterte.
Ngunit sa kanyang testimonya, sinabi ni Acosta na wala siyang alam kung paano ginasta ang pera.
“Dapat siya po ang pinaka may alam. Siya po ang pinaka-naiintindihan kung saan nanggaling ’yun at saan po napunta at paano po prinoseso lahat. Kasi siya po ang inutusan eh,” giit ni Ortega.
Binanggit pa ng kongresista na may command responsibility ang Head of Office, kaya’t pinakamabigat ang pananagutan ni VP Duterte.
Bukod kay Acosta, dawit din sa kontrobersya si OVP Assistant Secretary at Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio. Katulad ni Acosta, sinabi rin ni Ortonio na wala siyang alam sa paggasta ng confidential funds, maliban sa pagtanggap ni Lachica ng pera.
“Ang nangyayari, hindi po alam ni Acosta saan napunta… Ganun din po ang sagot ni Ortonio. Kaya ngayon po, ang turuan, pataas na naman po, pabalik po sa Head of Office,” dagdag ni Ortega.
- Latest






















