Eala, Jovic sasalang na sa exhibition match

MANILA, Philippines — Magkukrus ang landas ng magkaibigang Alex Eala at Iva Jovic ng Amerika sa US Open “Stars of the Open” exhibition match na papalo sa Arthur Ashe Stadium sa Flushing Meadows, New York.
Masisilayan ang salpukan nina Eala at Jovic sa alas-6 ng gabi sa New York (alas-6 ng umaga sa Maynila) na inaasahang dudumugin ng fans na sabik mapanood ang Pinay player.
Sa ensayo pa lamang ni Eala, dinumog na agad ito ng Pinoy fans na patuloy na sumusuporta sa kanyang mga laban.
Nagsanay si Eala kasama si dating Grand Slam champion Venus Williams kung saan malalakas na hiyawan ang dumagundong sa ensayo pa lamang.
Kaya naman inaabangan na ang exhibition match nina Eala at Jovic lalo pa’t isang jampacked stadium ang venue dahil soldout ang tickets para sa naturang event.
Bagama’t exhibition lamang ito, tiyak na maglalatag ng magandang laro sina Eala at Jovic na parehong naghahanda sa kani-kanyang singles event sa US Open.
Hawak ni Jovic ang 2-0 rekord laban kay Eala.
Wagi si Jovic sa kanilang unang paghaharap sa first round ng French Open noong Mayo sa iskor na 6-4, 6-2 kasunod ang pananaig nito kontra kay Eala sa Round of 16 ng HSBC Championships, 6-2, 6-2 panalo.
Nauna nang naglaro si Eala sa mixed doubles kasama si world No. 4 Felix Auger-Aliassime noong Martes.
Subalit nabigo sina Eala at Auger-Aliassime kina Elina Svitolina at Gael Monfils, 1-4, 1-4, sa kanilang unang pagsalang.
Reresbak si Eala sa singles kung saan isa ito sa mga seeded players.
- Latest

















