Teodoro: Ilang pulitiko tumatanggap ng suporta sa China

MANILA, Philippines — Naghihinala si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na may ilang pulitiko sa Pilipinas na tumatanggap ng suporta mula sa China upang palakasin ang operasyon ng nasabing bansa sa pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea.
Inihayag ito ni Teodoro sa deliberasyon ng panukalang pondo ng Department of National Defense (DND) na isinalang sa House Committee on Appropriations nitong Martes, Agosto 25. Humihirit ang DND ng P324.632 bilyong pondo mula sa P7.2 trilyong national budget ng pamahalaan.
Sa pagdinig, kinuwestiyon ni Akbayan Partylist Rep. Dadah Ismula kung may mapagkakatiwalaang impormasyon ang DND na ilang halal na opisyal ay tumatanggap ng suporta mula sa China at naglalathala ng mga pro-China na pahayag na nagbubunsod pa ng operasyon ng Beijing sa WPS.
Tinukoy ni Ismula ang insidente noong Hulyo 20, 2026 kung saan nasangkot ang Chinese Coast Guard sa harassment at pambobomba ng water cannon sa Ayungin Shoal. Isang Philippine Navy personnel ang nasaktan matapos hampasin ng kahoy ng isang miyembro ng CCG na pumasok sa teritoryo ng Pilipinas para kumuha ng litrato at video sa BRP Sierra Madre.
“We have some grounds to perhaps suspect, we’re assessing it,” ani Teodoro, ngunit aminado siyang wala silang access sa bank records ng mga pulitikong hayagang sumusuporta sa China upang ma-establisa ang ebidensya.
Magugunita na hinamon ni Teodoro ang mga pro-China na pulitiko na magsipagbitiw sa puwesto kung hindi kayang manindigan sa integridad at soberenya ng Pilipinas, alinsunod sa Administrative Order (AO) 25.
Dagdag pa niya, gumagamit ang China ng mga trolls upang baliktarin ang naratibo sa WPS. Aniya, ang website ng Chinese Embassy ay hindi isang diplomatic site kundi “institusyon ng propaganda ng China.”
- Latest
























