DepEd officer sa Cavite natagpuang patay
MANILA, Philippines — Nagsisimula nang maagnas nang matagpuan ang isang 28-anyos na person with disability (PWD) na empleyado ng Department of Education (DepEd) sa Bacoor National High School makaraang mawala ng isang linggo, sa madamong bahagi ng Molino Boulevard sa Brgy. San Nicolas 2, Bacoor City, Cavite.
Kinilala ang biktima na si Dench Francisco Morales o mas kilala sa “Sir Dench”, Administrative Aide (ADA)-I ng Bacoor National High School-Gawaran Annex.
Sa ulat ng pulisya, natagpuan ang bangkay ng isang lalaki noong Agosto 20 dakong alas-4:45 ng hapon sa nasabing lugar. Halos hindi na ito makilala dahil sa unti-unti nang naagnas, na hinihinalang ilang araw nang patay at nababad sa tubig-ulan
Nauna rito, inireport ng kapatid ni Morales ang pagkawala nito sa himpilan ng pulisya.
Huli umano nilang nakitang buhay si Morales sa Main Square Mall, Molino Blvd. sa Brgy Bayanan, Bacoor City nitong Agosto 13, 2026 dakong alas-4:30 ng hapon.
Sa imbestigasyon, at backtracking ng mga CCTV ng pulisya, nadiskubre ang isang patay na lalaki sa Molino Blvd. sakop ng Brgy. San Nicolas 2 nitong Agosto 20. Hindi na halos makilala ang bangkay subalit tumutugma naman ang physical built nito at damit sa nawawalang si Morales.
Agad isinailalim sa forensic examination at identification ng SOCO ang labi ng biktima at dito positibong nakumpimra na ito ang nawawalang si Morales. Hindi pa tinukoy ang sanhi ng pagkamatay ng biktima.
- Latest
















