Pamilya ng aktor na si Aljon Mendoza, laging lubog sa baha
Isa ang pamilya ni Aljon Mendoza sa mga biktima ng malawakang pagbaha dahil sa mga sunud-sunod na bagyong naranasan ng bansa.
Ayon sa aktor ay matagal nang nakalubog ang kanilang bahay sa Macabebe, Pampanga sa tubig kahit hindi naman umuulan sa kanilang lugar.
Nagpaplano ang binata na gumawa ng isang dokumentaryo upang talakayin ang pagbaha sa kanilang lugar.
Nais umanong manawagan ni Aljon sa gobyerno upang masolusyunan ang problema sa kanilang lugar. “Nakausap ko na team ko. Gusto ko i-document ulit (ang)nangyaring baha sa amin. Naawa talaga ako sa mga nakatira roon lalo na sa pamilya ko. ‘Pag nag-video call kami ng pamilya o hanggang dibdib na. Sana maawa kayo. Sana may gawin kayo kasi maraming nanghihingi ng tulong,” bungad ni Aljon sa ABS-CBN News.
Bata pa lamang daw ang aktor ay talagang nararanasan na ng kanilang pamilya ang matinding pagbaha sa Pampanga. “Taong 2012, two weeks lang yata humupa. Tapos every year tumatagal, tumataas. No’ng pandemic halos ‘di na humupa. Ngayon worst, from last year, mas mataas pa po,” kwento ng Kapamilya actor.
Sa ngayon ay wala pang malilikasan ang pamilya ni Aljon kaya nananatiling lubog sa baha ang kanilang bahay.
Mayroon ding ilang alaga na hindi maiwan kaya wala pang planong lisanin ang lugar ng mga mahal sa buhay ng binata. “Nagtaasan na kami ng gamit, nalooban na. Sa gilid namin hanggang dibdib. Sa loob medyo hanggang tuhod. Early this year nagpataas ng mga kwarto. Siguro sa tantya ko lang baka December daw bumaba. Wala kasi naisipang paglikasan, saka may mga alaga kami na ayaw naming iwan,” pagdedetalye ng binata.
KC, sumabak sa Master…
Mapapanood na rin si KC Montero sa The Master Cutter na pinagbibidahan ni Dingdong Dantes. Gagampanan ng aktor ang karakter ni Samir na isang Russian sa naturang drama action series ng GMA Network. “I am Samir, I am from the country of Zeron and I don’t know if the accent is good. But it is happening,” nakangiting pahayag ni KC sa 24 Oras.
Masayang-masaya si KC dahil muling nabigyan ng pagkakataon na makatrabaho si Dingdong. Malapit na magkaibigan ang dalawa mula noon pa man. “I’m super happy to be back working with Dong as a friend and as a brother. I’m super happy and si Max (Collins) also. I was telling everybody on the set of The Master Cutter. There’s no tension. There’s no stress,” paglalahad niya.
Ayon naman kay Max Collins ay talagang kaabang-abang ang bagong karakter ni KC. Hindi raw dapat palampasin ang bawat eksena ngayon sa The Master Cutter. “Ang daming nangyayari. Even within our family, like with Paolo (Contis) and Tonton (Gutierrez). There’s also a conflict there,” pagbabahagi ni Max. (Reports from JCC)
- Latest



















