Import-less NLEX babangga sa Converge

MANILA, Philippines — Inaasahang magiging inspirado ang NLEX na manalo para kay injured import DeQuan Jones sa pagsagupa sa Converge sa second round ng PBA Season 50 Governors’ Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Lalabanan ng import-less Road Warriors ang FiberXers ngayong alas-5:15 ng hapon kasunod ang bakbakan ng magkaribal na Barangay Ginebra Gin Kings at Meralco Bolts sa alas-7:30 ng gabi.
Bumabandera ang NLEX sa Group A hawak ang 7-1 record kasunod ang San Miguel (7-2), nagdedepensang TNT Tropang 5G (4-4), Converge (4-4), Terrafirma (3-5), guest team Macau (2-6) at Titan Ultra (2-7).
Ang top four teams ang papasok sa crossover quarterfinal round.
Nabalian ng kanang binti si Jones sa kanyang pagsalaksak sa 7:27 minuto ng third period sa 118-111 overtime win ng Road Warriors laban sa Tropang 5G noong Martes.
Noong Miyerkules ng umaga ay sumailalim sa matagumpay na surgery ang balik-import.
May listahan na si coach Jimmy Alapag para sa sasalo sa naiwang trabaho ni Jones sa NLEX na tinalo ang Converge, 119-107, sa first round noong Agosto 1 kung saan umiskor si Jones ng 28 points.
Inaasahang magpaparada ng bagong import ang Road Warriors sa pagharap sa Giant Pandas sa pagbabalik ng liga sa Oktubre 7.
Magkakaroon ng break ang PBA sa Agosto 15 hanggang Oktubre 6 para sa pagsabak ng Gilas Pilipinas sa FIBA Basketball World Cup 2027 Asian Qualifiers at sa 20th Asian Games.
Panalo rin ang target ng Gin Kings at Bolts bago ang nasabing break para palakasin ang tsansa sa quarterfinals.
Nilasing ng Ginebra ang Meralco, 84-75, sa first round noong Hulyo 31.
Parehong nasa ilalim ng Group B ang Gin Kings at Bolts sa kanilang bitbit na 2-3 at 2-5 kartada, ayon sa pagkakasunod.
- Latest






















