VP Sara at Claire Castro, nagpatutsadahan
MANILA, Philippines — Nagpalitan muli ng maaanghang na pahayag kahapon sina Vice President Sara Duterte at Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na tungkol sa professionalism at pananagutan bilang mga opisyal ng pamahalaan.
Iginiit ni Castro na si Duterte ang kulang sa pagpapakita ng propesyonalismo at public accountability.
“Ang tunay na professional ay nakikita sa gawa at hindi sa salita lamang. Ang isang lider na professional ay nananatili sa bansa upang mamuno lalung-lalo na sa oras ng kalamidad, sumusunod sa batas at hindi gumagamit ng dahas, at humaharap sa mga akusasyon gamit ang malinaw na ebidensya sa halip na pag-iwas o paninira sa administrasyon, tumutulong sa pag-unlad at hindi nagiging dahilan ng pagbagsak ng pamahalaan,” ani Castro.
Tugon ito ni Castro sa pahayag ni Duterte noong Huwebes na dapat magpakita ng professionalism ang Palace official sa pagbibigay ng mga pampublikong pahayag.
“Si Claire Castro is a spokesperson of the President and the Office of the President, or hindi ko alam kung kaninong spokesperson siya pero by the fact na spokesperson ka at mayroong seal ng Office of the President diyan, dapat maging professional ka sa mga sinasabi mo,” wika Duterte.
Una nang binatikos ni Castro ang pahayag ng Bise Presidente na umano’y nagsusuportahan si President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ang International Criminal Court sa gitna ng pagkakakulong ng kanyang ama na si dating pangulong Rodrigo Duterte sa mga kasong crimes against humanity.
Tinawag ni Castro na “useless, baseless, and nonsense” ang mga pahayag ni Duterte.
- Latest



















